top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

‘Di inaasahang suwerte, magpapayaman sa mister na may Destiny no. 8

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2023
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Enero 28, 2023

Dear Maestro,


Gusto kong malaman kung uunlad ba ang buhay ko kung sakaling mag-a-abroad ako?


Sa ngayon, ako ay sumubok na mag-apply sa abroad sa unang pagkakataon.


Sa katunayan, may negosyo ako na online selling, pero matumal ang benta. Iniisip ko na baka kahit hindi ako mag-abroad ay mapaunlad ko rin ang negosyo ko kahit na pakonti-konti lang dahil kung mapapaunlad ko ito, maiiwasan ko pang mapalayo sa aking pamilya.


Kaya lang, sabi ng asawa ko, paano lalaki o uunlad ang negosyo ko kung wala naman akong puhunan? Siya ang nangumbinsi sa akin at pursigido na mag-abroad ako at kapag nakaipon na ng sapat na puhunan, saka namin dadagdagan ang aming paninda upang lalo pang palaguin ang aming negosyo.


Sa palagay mo, Maestro, tama ba ang binabalak naming ito o mas magandang dito na lang ako hanggang unti-unti naming mapalago ang aming negosyo?


February 14, 1990 ang birthday ko at October 23, 1993 naman ang birthday ng misis ko.


Umaasa,

Simeon ng San Isidro, Laur, Nueva Ecija

Dear Simeon,


Kapansin-pansin na ang birth date mo ay 14 o 5 (dahil ang 14 ay 1+4=5) at destiny number na otso (8) (2+14+1990=2006/ 20+06=26/ 2+6=8), sa zodiac sign na Aquarius.


Ibig sabihin, biglaan ang iyong magiging suwerte. Gayunman, hindi porke biglaan ang suwerte ay hindi ka na susuwertehin sa dahan-dahang pagsisikap. Kumbaga, kailangan pa rin ang pagsisikap at kasabay nito ay kusang huhulagpos ang hindi inaasahang bagsak ng napakalaking magagandang suwerte, lalo na kung ikaw ay mangingibang-bansa.


Ganito ang iyong kapalaran, walang iniwan sa isang tipikal na manggagawa sa ibang bansa, hindi naman siya talamak na sugarol o wala naman siyang inaalagaang numero sa lotto, pero minsan ay naisipan niyang tumaya sa isang lottery sa abroad, bigla siyang tumama ng napakalaking halaga. Dahil likas siyang masikap sa buhay, hindi siya nasilaw sa dambuhalang salaping ‘yun, tinapos niya ang kanyang kontrata at saka siya bumalik sa ating bansa at nagnegosyo.


Ganyan ang nakatakda mong kapalaran, kung saan habang nagsisikap ka, saan ka man naroon, basta paminsan-minsan ay tataya ka sa lotto o anumang uri ng number games, lalo na sa buwan ng Enero, Mayo, Hunyo, Setyembre at Oktubre, bigla kang tatama ng malaking halaga.


Gayunman, tulad ng nasabi na, dahil likas kang masipag sa buhay, hindi mo gagamitin ang limpak-limpak na pera sa pagpapasarap, sa halip ay patuloy ang takbo ng iyong buhay – normal kang magtatrabaho at magnenegosyo.


Dahil sa ganyang istilo ng pamumuhay, lalo kang yayaman at uunlad. Magiging maligaya at satisfied ka sa buhay, hanggang sa dumating ang panahon na ang mga anak at apo mo naman ang aani o makikinabang at magpapala ng mga bagay na iyong naipundar.


Gayundin, sila ang magpapalago ng inyong negosyo.


Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa taon ding ito ng 2023 at sa buwan ng Mayo, Hunyo, Setyembre o Oktubre, may hindi inaasahang pangingibang-bansa na itatala sa iyong karanasan.


Limang taon ang lilipas, sa nasabing masagana at pabalik-balik na pangingibang-bansa, sa taong 2028, tuluyan kang titigil sa paghahanapbuhay sa abroad upang masimulan at maituloy ang iba n’yo pang negosyo na maiisip n’yong mag-asawa. Sa nasabing panahon, dahil Taong Singko (5) kayong mag-asawa (dahil 23 o 5 rin ang birth date ng misis mo), tiyak na uunlad ang inyong itatayong negosyo hanggang sa tuloy-tuloy nang umunlad ang inyong kabuhayan at lalo pa kayong yumaman.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page