Search
  • BULGAR

Dept. of Agri, tatalupan sa P1.8-B fertilizer scam

ni BRT | June 25, 2020




Gigisahin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng kontrobersiyal na P1.8 bilyong fertilizer scam.


Ito ay kasunod ng inihaing House Resolution 992 ng Makabayan bloc solons para magsagawa ng imbestigasyon ang Committee on Agriculture and Food at sa Committee on Good Government and Public Accountability sa procurement ng umano’y overpriced fertilizer.


Kabilang sa Makabayan bloc solons sina Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago.


Ayon sa mga mambabatas, Abril 28 nang mag-imbita ang DA para sa bidding ng supply at delivery ng 5.69-M bags ng UREA fertilizers na may P5.69 bilyon ang halaga.


Ang kontratra ay ini-award nitong nakalipas na buwan sa dalawang suppliers na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon na kinabibilangan ng La Filipina Uy Gongco Corporation para sa P1.69 bilyon sa presyong P990 hanggang P995 kada bag ng mga fertilizer sa supply contract para sa Regions V-A at 3 at Atlas Fertilizer para naman sa P96.74 M sa presyong P900 per bag para naman sa Region 7.


Samantalang lumilitaw na ang kabuuang kontrata sa P1.8 bilyong mga fertilizers ay overprice umano sa tinatayang P271.66 M base sa pahayag ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at Tarlac na iginiit na P850 lang kada bag ang nasabing mga fertilizer.


Nabatid pa na sa ilalim ng stimulus program ng ahensiya na Ahon Lahat, Pagkaing Sapat Kontra COVID 19 (ALPAS sa COVID19) ay naglaan ng P5.69 bilyon para sa pagbili ng UREA fertilizer.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.