Depositors ng LBP at DBP, baka magsipag-rally laban sa Maharlika Wealth Funds
- BULGAR
- Dec 9, 2022
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 9, 2022
NAKALIGTAS NGA ANG PONDO NG GSIS AT SSS, TILA KABAN NAMAN NG BAYAN SA BSP ANG HINDI MAKAKALIGTAS SA MAHARLIKA WEALTH FUND—Matapos makatikim ng batikos mula sa publiko, nagpasya ang mga kongresista sa pamumuno nina Speaker Martin Romualdez at presidential son, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na huwag nang isama ang pondo ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) sa pondong ilalagak sa Maharlika Wealth Fund (MWF) at sa halip, anila'y ang karagdagang pondo sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na lang kukunin.
Nakaligtas nga ang pondo ng GSIS at SSS, kaban naman ng bayan sa BSP ang hindi makakaligtas.
◘◘◘
DEPOSITORS NG LBP AT DBP, BAKA MAGSIPAG-RALLY LABAN SA MAHARLIKA WEALTH FUNDS—Bukod sa BSP, kukuha rin ang pamahalaan ng pera sa mga bangkong pag-aari ng gobyerno, tulad ng Land Bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).
Hay naku, baka ang mangyari, matapos magtagumpay ang mga pensioners sa kanilang rally kaya hindi na isasama ng pamahalaan ang pension funds ng mga GSIS at SSS members sa Maharlika Wealth Fund ay depositors naman ng LBP at DBP ang mag-rally para hindi rin isama MWF ang kanilang pera na nakadeposito sa mga bangko.
◘◘◘
HANGGA'T MARAMING KURAKOT SA 'PINAS, HINDI PUWEDENG IPATUPAD ANG MAHARLIKA WEALTH FUND—Parami nang parami ang tumututol sa Maharlika Wealth Fund mula sa sektor ng masa, pensyonado, government employees at negosyante.
Hangga't sandamakmak ang mga kurakot na pulitikong may katungkulan sa pamahalaan ay talagang maramin sektor ang tutol sa Maharlika Wealth Fund, lalo na't nabalita na ang ganitong uri ng programa ay kinurakot lang sa Malaysia.
Siguro, kapag wala nang kurakot sa Pilipinas o kaya'y ikinukulong ang mga nangungurakot, puwede na gamitin ang kaban ng bayan na ilagak sa Maharlika Wealth Fund para gamiting pang-invest sa ibang bansa.
◘◘◘
KAHIT SI EDCEL GRECO LAGMAN NA ANG GOVERNOR NG ALBAY, TULOY PA RIN ANG STL-CON JUETENG NI 'KA GLENN'—Akala ng mga taga-Albay, na matapos madiskuwalipika at matanggal sa pagka-gobernador si Gov. Noel Rosal at si Vice-Gov. Edcel Greco Lagman ang maitalagang bagong governor ay matitigil na ang raket na STL (Small-Town Lottery)-con jueteng ni "Ka Glenn" sa probinsya, eh, hindi pala.
Kasi ayon sa natanggap nating impormasyon, kahit si Lagman na ang nanunungkulang gobernador ng Albay ay tuloy pa rin ang pangraraket ni "Ka Glenn" sa mga residente sa lalawigang ito.





Comments