Deployment ban sa mga healthcare workers, kailangang pag-aralan
- BULGAR

- Aug 30, 2020
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 30, 2020
Umapela tayo sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) nitong nakaraang linggo na i-recall ang deployment ban nito sa healthcare workers (HCWs).
Naniniwala tayong walang karapatan ang pamahalaan na pigilan ang healthcare workers na magtrabaho sa ibang bansa upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Matatandaang inilabas ng POEA ang Resolution number 9, na pansamantalang sinususpinde ang deployment ng lahat ng HCWs “until the national state of emergency is lifted.”
Sinuspinde rin pansamantala ng IATF ang deployment ng medical professionals sa pamamagitan ng Resolution No. 64.
☻☻☻
Para sa ating mga HCWs, totoo ang struggle to survive ngayong pandemya habang may pamilyang sinusuportahan.
Sana ay maunawaan din ng POEA at ng IATF ang kalagayan ng ating mga nurse na hindi lang sila full-time sa ospital. Sa totoo lang, mas mabigat ang pressure kung paano maitatawid ang kanilang pamilya sa gitna ng pandemya. The travel ban hostages their chance to have a decent work-life balance and give their families a better future.
Kung hindi kaya ng pamahalaan na mabigyan ng trabaho at sapat na benepisyo ang ating mga healthcare workers, hindi naman yata tama na pagkaitan natin sila ng pagkakataon para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
☻☻☻
Ayon sa datos ng Department of Health, mayroong 750,000 na lisensiyadong medical professionals, kasama na ang mga dentista, medical technologists, pharmacists, doktor at midwifes noong 2017.
Ngunit sa bilang na ito, 204,437 lamang ang aktibo sa health sector. Ibig sabihin, mahigit 500,000 na medical professionals ang hindi nagpa-practice ng propesyon nila o kaya naman ay nasa ibang propesyon.
☻☻☻
Kung sakaling igiit ng POEA ang deployment ban, kailangang siguruhin ng pamahalaan na mabigyan ang mga HCW ng competitive compensation na kayang bumuhay sa kanilang mga pamilya.
Hindi naman gugustuhin ng ating mga healthcare workers na magtrabaho sa ibang bansa kung sapat ang kanilang kinikita sa ating bansa. Sino ba ang gustong mawalay sa kanilang mahal sa buhay sa panahon ng pandemya ngayon?
☻☻☻
Inanunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na magsisimula ang 2020 Census of Population and Housing ngayong September 1.
Sana ay makiisa tayo sa gagawing census habang nagpapraktis ng minimum public health standards.
Mahalaga ang census upang magkaroon ng updated na datos na magagamit sa paggawa ng polisiya at programa ng ating pamahalaan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments