DepED, unahin muna ang kaligtasan ng mag-aaral sa panahon ng kalamidad
- BULGAR
- Aug 1, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 1, 2023
Isang grupo ng mga guro ang nagpahayag na ang pagsasagawa ng online classes sa halip na ito ay suspendihin sa panahon ng mga sakuna ay itinuturing na “unrealistic at insensitive” dahil hindi ito praktikal para sa mga estudyante at guro na apektado rin ng mga kalamidad.
Ayon sa spokesperson ng Department of Education na si Michael Poa sa isang post-State of the Nation Address forum noong nakaraang Linggo, hindi sinuspinde ng ahensya ang mga klase sa panahon ng kalamidad upang ma-maximize ang pagpapatuloy ng pag-aaral dahil tayo ay nasa learning recovery mode pa.
Dagdag ni Poa, ang mga mag-aaral ay inaasahang ipagpapatuloy ang kanilang pag-aaral sa kanilang mga tahanan sa panahon ng kalamidad.
Gayunman, ayon sa updated guidelines ng DepEd sa pagkansela ng mga klase na inisyu noong 2022, ang modular distance learning, performance tasks, projects o make up classes ay ipapatupad kung sakaling masuspinde ang mga klase upang matiyak na ang learning competencies at objectives ay natutugunan pa rin.
Nakasaad sa patakaran na ang mga in-person, online classes at trabaho sa mga pampublikong elementarya at mataas na paaralan ay awtomatikong sususpendihin sa mga lugar na nasa ilalim ng tropical cyclone wind signal, orange at red rainfall warning at flood warning. Awtomatikong kakanselahin ang mga klase sa mga lugar na nasa ilalim ng Intensity 5 o mas mataas pagkatapos ng lindol.
Naglabas din ang DepEd ng memorandum noong unang bahagi ng taong ito na nagpapahintulot sa mga paaralan na lumipat sa alternatibong delivery mode sa panahon ng extreme weather.
Sa totoo lang, naiintindihan naman natin ang nangyayaring krisis sa edukasyon sa Pilipinas, ngunit tila hindi ito ang oras para unahin pa iyon.
Napakaraming sinalanta ng Bagyong Egay at pati na rin ng Bagyong Falcon, paano nga naman magsasagawa ng online classes kung ang tahanan ng mga estudyante ay binaha at walang kuryente?
Marahil, dapat na unahin ng DepEd ang kaligtasan ng bawat mag-aaral sa panahon ng kalamidad at isantabi muna ang pagtugon sa learning recovery.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments