top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

DepEd, target buksan ang klase sa August 29

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 28, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 28, 2023


Tinitignan ng Department of Education (DepEd) ang Agosto 29 bilang petsa ng pagbubukas ng klase para sa mga pampublikong paaralan ngayong darating na School Year (SY) 2023-2024.


Ayon kay DepEd Undersecretary and Spokesperson Michael Poa, ang set ng guidelines na kasalukuyang pinoproseso ng DepEd ay magiging “omnibus” na kinabibilangan ng “Brigada Eskwela” at ang school calendar para sa bagong school year.


Sa guidelines, isinaad ni Poa na may ginawang adjustments partikular sa partisipasyon ng mga guro sa mga aktibidad tulad ng end-of-school-year rites.


Dagdag pa ng opisyal, ang DepEd ay nakatanggap ng mga concerns na ang ilang mga guro ay hinihiling na mag-report sa paaralan bago ang graduation rites kahit na ang mga ito ay hindi kasama sa school calendar.


Matatandaang, nagbukas ang mga klase para sa SY 2022-2023 noong Agosto 22, 2022.


Ipinakita ng datos ng DepEd na mahigit 28 milyong bata ang bumalik sa paaralan dalawang taon pagkatapos ng pagsisimula ng COVID-19 pandemic.


Sa unang tatlong buwan, pinahintulutan ang mga pampublikong paaralan na i-adopt ang distance/blended learning bukod sa five-day-in-person classes.


Noong Nobyembre 2, 2022, ipinatupad ng DepEd ang 100% face-to-face classes sa lahat ng pampublikong paaralan.


Dahil sa COVID-19 pandemic, hindi pinayagan ang face-to-face classes sa SY 2020-2021 at SY 2021-2022.


Nakakalungkot dahil kahit anong hinaing ng mga guro ay tila nananatili pa rin silang walang boses, nararapat lang na bigyan natin sila ng pahinga.


Katatapos lang ng mga klase sa public schools, hayaan sana ng DepEd na makapagpahinga muna ang ating mga guro para mas may lakas na makapagturo.


Nakita naman natin kung paano sila nahirapang mag-adjust sa mga naging pagbabago sa sistema at talagang grabe ang sakripisyo, maitawid lang ang edukasyon. Hayaan na muna sana natin silang makapag-recharge at ma-relax.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page