DepEd, nagpapasaklolo sa pribadong sektor
ni Ryan Sison - @Boses | August 7, 2022
Habang papalapit ang pagbubukas ng klase, puspusan na ang paghahanda ng Department of Education (DepEd), mga magulang at guro, gayundin ang mga mag-aaral.
Kabilang sa paghahanda ang pagsasagawa ng Brigada Eskuwela, kung saan nagpapamigay din ng learning kits na naglalaman ng school supplies, tulad ng notebooks at ballpen.
Kaungay nito, humihingi ng tulong ang DepEd sa pribadong sektor para mabigyan ng school supplies ang mga batang walang pambili para sa pasukan.
Ito ay kasunod na rin ng ulat na tumaas ang presyo ng school supplies at mga uniporme sa Divisoria sa Maynila.
Samantala, pinababaklas ng DepEd ang mga natitirang isolation o quarantine facilities na nakatayo sa mga paaralan, habang pinatitiyak sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System at water provider na may sapat at malinis na tubig sa mga eskwelahan sa pasukan na magsisimula sa Agosto 22.
Gayundin, plano ng DepEd na magtayo ng temporary learning spaces na gawa sa light materials para matuloy pa rin ang school opening, ngunit dahil sa limitadong budget, naghahanap sila ng ibang espasyo.
Nauunawaan natin ang kagustuhan na mabigyan ng kagamitan ang mga mag-aaral na walang kakayahang bumili, pero ang tanong, hindi ba talaga kayang magbigay ng kagawaran mula sa sarili nilang pondo?
Batid nating malaki-laking pondo ang inilalaan ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon, kaya sana ay matiyak na napapakinabangan ito ng mga mag-aaral at guro.
Habang naghahangad tayong masaklolohan ng pribadong sektor, sana’y may ginagawa pang paraan ang ahensya upang mabigyan ng school supplies ang mga mag-aaral.
Gayunman, sa ilalim ng bagong administrasyon, hangad nating masolusyunan ang mga ganitong problema upang matiyak na maayos na nakakapag-aral ang mga estudyante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments