top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

DepEd, bigyang-pansin ang kakayahan at kalagayan ng mag-aaral at pamilya na kanilang kinabibilangan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 17, 2020
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | August 17, 2020



MALAKING problema ang kahaharapin ng lahat kung natuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24. Ayon sa DepEd, hindi pa handa ang karamihan sa mga paaralan na magbukas sa nasabing petsa dahil kalahati pa lamang ang naihandang self-learning modules ng mga ito.

Kaya naman, napagdesisyunan ng DepEd na ilipat ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5.


Hindi lamang ang DepEd o pamahalaan ang hindi pa handa sa pagbabalik-eskuwela, kundi maging ang kabataan mismo at pamilya na kanilang kinabibilangan.

Dahil sa pandemya, iniisip ng kinauukulan na gawing online o ‘virtual learning’ na ang lahat, sa halip na face to face. Ngunit, napakaraming pamilya ang umaaray sa ganitong sistema dahil walang kakayahan ang karamihan na magpalagay ng internet connection sa kani-kanilang bahay at imbes na pambili ng computer, laptop at iba pang gadget, prayoridad nila ang pangkain sa araw-araw.

Sa bagong sistema, napag-aralan ba ng DepEd ang kalagayan ng karamihan sa tahanan ng mga mag-aaral? May sapat ba itong lugar, kagamitan at maliwanag na ‘study area’ para matiyak na kaaya-aya at mabisa ang naturang online o blended learning?

At kung napakahirap ibigay ang mga kinakailangang materyal, paano pa kaya ang kaugaliang napakahalagang bagay para sa ikatatagumpay ng kabataan sa kanilang pag-aaral?

Mayroon pa bang disiplina, pokus, kababaang-loob at tiyaga ang mag-aaral? Kung wala ang mga ito, maraming materyal, oras at salapi ang maaaksaya—hindi uusad ang naturang makabagong sistema.

◘◘◘

NAPAKAGANDANG pagkakataon na akayin ng mga guro ng agham ang mga mag-aaral na muling makipagkaibigan sa kalikasan. Libre lamang ang kalikasan, upang buksan ang kamalayang matagal nang nakalimutan at napabayaan.

Ito ang aking naisip nang nabasa ko na nanganganib ang kalagayan ng isang 300-taon punong Toog (Philippine Rosewood tree/Petersianthus quadrialatus) sa San Francisco, Agusan Del Sur.

Taong 1996, nang takbuhin natin ang buong Mindanao (Cotabato City hanggang Cagayan de Oro) nadaanan namin ang San Francisco, kilala sa San Fran, Agusan del Sur. Nakita namin ang mga higanteng Punong Toog at literal na napanganga kami sa laki at taas ng mga ito.

Napakaraming kamangha-manghang elemento ng kalikasan na maganda at mahalagang pag-aralan para sa kinabukasan ng lahat at ng buong mundo. Malinaw na hindi gadget o teknolohiya ang magliligtas sa sangkatauhan.

Natural at hindi digital—kalikasan at hindi konsumerismo ang magliligtas sa ating lahat.

Kaya naman, sana ay pag-aralan at isulong din ng DepEd ang ganitong oryentasyon ng mga mag-aaral.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page