Department of OFW kontra pang-aabuso
- BULGAR

- Oct 30, 2020
- 1 min read
@Editorial | October 30, 2020
May go signal ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang isang ambassador ng Pilipinas sa Brazil na naaktuhan sa video na minamaltrato ang kanyang kasambahay na Pinay din.
Nakarating sa Pangulo ang sumbong at ibinigay na nito ang basbas para ituloy ang imbestigasyon kasunod ng rekomendasyon ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs.
Kaugnay nito, pinauwi na ng bansa si Ambassador Marichu Mauro matapos kumalat ang ilang video footages na nagpapakita ng kanyang panlalait at pananakit sa kasambay nito sa Brazil.
At dahil ‘ika nga, hindi nagsisinungaling ang ebidensiya, mukhang wala nang lusot ang opisyal.
Samantala, mas lalong lumakas ang panawagan na magkaroon ng kagawaran para sa mga overseas Filipino workers (OFWs). Anila, napapanahon na para rito bago pa man madagdagan ang kaso ng pang-aabuso sa ating mga kababayan na nagtatrabaho abroad.
Sa pamamagitan ng ahensiya, mas mabilis na matutugunan ang mga problema at pangangailangan ng mga OFWs lalo sa panahon ng COVID-19 pandemic. Matatandaang, marami nang overseas workers ang napilitang magsipag-uwian dahil nawalan ng trabaho habang ang iba ay nadale pa ng COVID-19. Inaasahang marami pang OFWs na uuwi sa mga susunod na buwan at hindi maiwasang matanong, kakayanin pa ng gobyerno o ng mga ahensiya ang pag-aasikaso sa kanila habang may mga ginagampanan ding ibang tungkulin?
Marahil ay talagang napapanahon na para sa isang ahensiya na tututok sa lahat ng usapin na may kaugnayan sa mga OFWs.
Sakaling maaprubahan ito, ang sunod naman nating pakiusap ay ang pagtatalaga ng mga karapat-dapat sa posisyon. ‘Yung talagang nauunawaan ang buhay-OFWs at hindi kung sinong epal na babahiran lang ng kahihiyan at korupsiyon ang ahensiya.



Comments