Dela Rosa, Bernardino, Cacho at Clarin buo na sa World Cup
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 31, 2026

Photo: Ang apat na bumubuo ng Gilas Pilipinas women sa pagsabak sa FIBA3x3 World Cup Warsaw 2026 mula bukas Hunyo 1 hanggang 7 sa Warsaw, Poland. (fibapix)
Napili na ang apat na magbubuo sa Gilas Pilipinas sa makasaysayang paglahok sa FIBA3x3 World Cup Warsaw 2026 mula Hunyo 1 to 7 sa Poland. Bitbit nina Kacey dela Rosa, Afril Bernardino, Mikka Cacho at Camille Clarin ang pag-asa ng bansa na lumapit sa Los Angeles 2028 Olympics.
Ito ang unang World Cup kung saan nakapasok ang mga Pinay sa pagdaan sa qualifier sa Singapore noong Abril. Nakalaro ang bansa sa 2018 edisyon bilang host sa Philippine Arena.
Nabunot sa Pool C, bubuksan ng Gilas ang torneo laban sa Latvia at Alemanya sa Hunyo 1. Susundan ito ng Tsina at Italya sa Hunyo 3.
Kailangang magtapos sa unang 3 puwesto upang tumuloy sa playoffs simula Hunyo 6. Noong 2018, nagtapos ang Pilipinas sa ika-17 sa 20 kalahok.
Mabigat ang nakasalalay sa balikat ni dela Rosa na numero unong manlalaro ng bansa. Malaking tulong si Bernardino na natatanging beterana mula 2018. Si Cacho ang kasalukuyang pangalawa kay dela Rosa habang ika-9 si Bernardino. Naghilom na ang tuhod ni Clarin at sumalang na siya sa dalawang yugto ng Women's Series ngayong Mayo.
Maliban sa World Cup ay pinaghahandaan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang paglahok sa Aichi Nagoya Asian Games para sa mga edad 23 pababa. Nariyan din ang Youth Nations League kung saan nakataya ang tiket sa Under-23 World Cup.





Comments