Dekalidad na trabaho, daan sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya
ni Ryan Sison - @Boses | December 13, 2022
Kayang maibalik ng mga manggagawang Pilipino ang sigla ng ekonomiya ng bansa.
‘Yan ay kung lalo pang tataas ang bilang ng mga Pilipino na may trabaho, ayon sa Commission on Population and Development (POPCOM).
Base sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA), mula sa kabuuang bilang ng indibidwal na 109,035,343, mahigit kalahati o katumbas ng 69.40 milyon ang nasa edad 15 hanggang 63 ang nasa working age bracket, kung saan ang naturang bilang ay oportunidad umano para mataas ang socio-economic conditions ng bansa.
Gayunman, para kay POPCOM officer-in-charge – Executive Director (OIC-ED) Lolito R. Tacardon, upang maabot ang naturang bilang ng manggagawa sa bansa, kailangang iprayoridad ng pamahalaan ang pagbibigay ng dekalidad na trabaho ang mga Pilipino habang tinutulungan ang mga ito na magkaroon ng kinakailangang skills o kasanayan ng mga industriya.
Dagdag pa ng POPCOM official, ang pagtaas ng bilang ng mga produktibong Pilipino ay resulta ng kampanya para mapababa ang fertility at mortality rate sa buong bansa.
Binigyang-diin din na ang posisyon ng United Nations Population Fund na ang pagbaba ng antas ng fertility ay makalilikha ng mas maraming oportunidad sa mga bansa upang pagtuunan ang economic growth bunsod ng tumataas na bilang ng indibidwal na nagtatrabaho.
Malaking bagay na patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga Pilipino na mayroong trabaho dahil bukod sa nababawasan ang mga tambay, nakatutulong ito sa pagbangon ng ekonomiya.
Panawagan natin sa gobyerno, hindi lang basta trabaho ang dapat nating ibigay, dapat dekalidad ang trabaho at training para upang matiyak na kayang makipagsabayan sa kasanayan ng iba.
Higit sa lahat, kailangang magtulungan ng pamahalaan at taumbayan para sa layuning maibangon ang ekonomiya ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments