top of page

Dekalidad na pagtuturo, nagsisimula sa dekalidad na edukasyon ng guro

  • BULGAR
  • Jan 12, 2023
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 11, 2023



Pagdating sa pagkakaroon ng dekalidad na edukasyon at pagsasanay para sa mga guro, katuwang natin ang pamahalaan upang matupad ang ating mga plano at adhikain para sa pangalawang magulang ng kabataang mag-aaral.


Ganap nang ipinatutupad ang ating batas na Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713), na naisabatas noong nakaraang taon. Bahagi ito ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 ng gobyerno.


Pinatatatag ng naturang batas ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas maigting na ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Sa ilalim ng batas, mandato ng TEC na magtalaga ng pamantayan para sa mga teacher education programs upang matiyak ang ugnayan ng mga ito mula kolehiyo hanggang sa aktuwal na pagtuturo.


Ang mga guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon, ngunit nakababahala ang mababang passing rate sa Licensure Examination for Teachers. Mula 2014 hanggang 2022, pumalo lang sa 34 porsyento ang average passing rate para sa mga LET takers sa Elementary level. Sa Secondary level naman, umabot lang sa 40 porsyento ang average passing rate.


Lumabas din sa Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) ng World Bank na hindi sapat ang kakayahan ng mga guro para ituro ang malaking bahagi ng K to 12 curriculum. Maliban sa English elementary teachers, ang pangkaraniwang guro sa elementarya at high school ay hindi nakasasagot nang tama sa kalahati ng mga subject content tests.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education at co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), tinitiyak ng inyong lingkod na magpapatupad pa tayo ng iba pang mga reporma sa sektor ng edukasyon. Nilikha ng Republic Act No. 11899 o ng Second Congressional Commission on Education Act ang EDCOM II upang repasuhin ang sektor ng edukasyon sa bansa.


Kasama rin sa layunin nito ang pagrerekomenda ng mga tiyak at napapanahong mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng Pilipinas sa parehong education at labor markets.


Alam natin na kasabay ng layuning iangat ang kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataan, mahalaga rin na matutukan natin ang edukasyong natatanggap ng ating mga guro. At ngayong meron na tayong batas para sa pag-angat sa kalidad ng teacher education, kailangang tiyakin natin na maipatutupad ito nang maayos dahil ang mga mag-aaral ang lubos na makikinabang dito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page