Dayuhang sangkot sa cybersex, dapat parusahan
ni Ryan Sison @Boses | November 5, 2023
Malaking hamon talaga sa ating kapulisan ang pamamayagpag ng mga cybersex operations sa ating bansa.
Kaya naman walang humpay din ang kanilang ginagawang surveillance sa iba’t ibang lugar sa bansa para mapigilan ang pagkalat at mga nagiging biktima nito.
Nitong Sabado, nasa 17 lalaki na Chinese nationals ang inaresto ng mga awtoridad dahil umano sangkot sa cybersex operation sa isang compound sa Barangay Balantang sa Jaro, Iloilo City.
Batay sa ulat ng GMA News, isang search warrant ang inihain ng pulisya laban sa mga ito at nakarekober sila ng 24 computers, 49 cellphones at sim cards sa naturang compound.
Ayon kay Lt. Col. Antonio Benitez, head ng Intelligence Unit ng Iloilo City Police Office (ICPO), anim na buwan nang nanunuluyan sa naturang lungsod ang mga Chinese nationals at ginagawa ang ilegal na operasyon.
Sinabi rin ni Benitez na mayroon pang recorded video ng mga babae at lalaki na nakahubad sa mga computer, patunay na marami ang nagiging biktima ng cybersex ng naturang grupo.
Gayunman aniya, isinasailalim na sa ngayon sa medical examination ang inarestong Chinese nationals.
Tila mas tumitindi ang pagkalat ng cybersex operation sa ating bansa. Kahit pa sabihing may batas na laban sa ganitong operasyon ay patuloy pa rin ang pamamayagpag nito.
Hindi pa rito natatapos, dahil sa mga probinsiya at malalayong lugar sila naglulungga at ginagawa ang kalaswaan, kaya siguro hirap din ang mga awtoridad na matukoy sila agad. May mga dayuhan din na nasasangkot at pinagkakakitaan talaga nila nang husto.
Panawagan natin sa mga kababayan na tulungan natin ang kinauukulan sa ginagawa nilang paglaban sa operasyon ng cybersex. Isumbong natin sa kapulisan kung mayroon tayong napapansing kahina-hinala sa ating lugar. Sa ganitong paraan, unti-unti mababawasan ang magiging biktima habang dapat makasuhan at parusahan naman ang mga sangkot sa masamang gawain.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments