top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Dawit sina Ex-P-Duterte at Ex-Sec. Duque sa PS-DBM-DOH-Pharmally scam kaya' dapat kasuhan

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 25, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 25, 2023



AKSYON NG OMBUDSMAN ANG MAGPAPATUNAY SA IBINULGAR NI EX-SEN. GORDON NA MAY MGA SUMINDIKATO SA PERA NG BAYAN NOONG PANDEMYA—Sangkaterbang opisyal ng pamahalaan mula sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM), Department of Health (DOH) at isang opisyal ng Office of the Ombudsman ang sinuspinde ng anim na buwan ni Ombudsman Samuel Martires. Ang suspensyon ay ginawa habang dinidinig ang kasong plunder laban sa kanila kaugnay sa pakikipagsabwatan sa Pharmally Pharmaceutical Inc. sa pang-i-scam ng bilyun-bilyong pisong pera ng bayan noong panahon ng pandemya.


Ang naging aksyon na ‘yan ng Ombudsman ay pagpapatunay na may basehan ang mga ibinulgar noon ni former Sen. Richard Gordon na may mga sumindikato sa kaban ng bayan noong kasagsagan ng pandemya, period!


◘◘◘


DAPAT SUSPINDEHIN SI DEPUTY OMBUDSMAN LIONG DAHIL ‘DI MAGANDANG TINGNAN NA MAY TAGA-OMBUDSMAN NA SABIT SA KATIWALIAN—Tama ang naging desisyon ni Ombudsman Martires na suspindehin din si Deputy Overall Ombudsman Warren Liong, dating executive director ng PS-DBM, na ayon kay ex-Sen. Gordon ay kasabwat din ng Pharmally Inc. sa panraraket sa kaban ng bayan.


Hindi kasi magandang tingnan na ang Office of the Ombudsman na nag-iimbestiga sa mga tiwali sa gobyerno, pero may opisyal din na sabit sa katiwalian sa katauhan ni Deputy Ombudsman Liong. Boom!


◘◘◘


HIRIT NINA SEN. RISA AT EX-SEN. GORDON, KASUHAN SI EX-P-DUTERTE SA PS-DBM-DOH-PHARMALLY SCAM—Ikinatuwa nina Sen. Sen. Risa Hontiveros at ex-Sen. Gordon ang aksyon ng Ombudsman laban sa mga sangkot sa PS-DBM-DOH-Pharmally multibillion peso scam, at panawagan nila kay Ombudsman Martires, sana raw ay kabilang sina former Pres. Rodrigo Duterte at ex-DOH Sec. Francisco Duque sa sasampahan ng kasong plunder.


Sa totoo lang, dapat talaga silang isama sa sasampahan ng kaso dahil mismong si ex-Sec. Duque ang nagsabi noon sa Senate investigation na si ex-P-Duterte raw ang nag-utos sa kanya na ibigay ang bilyun-bilyong pisong DOH funds kay Davao City-based former PS-DBM head Lloyd Christopher Lao para ipambili ng mga medical supplies.


Kalaunan, nabulgar na ang perang ito ng bayan ay ini-scam lang ng mga taga-PS-DBM, DOH at Deputy Ombudsman Liong. Ang matindi pa, mismong ang dating presidente ang nag-a-abogado at nagtatanggol sa mga sangkot sa katiwaliang ito, period!


◘◘◘


PANGALAN NG MMDA OFFICIALS, GINAGAMIT NI ALYAS ‘TONY’ SA PANGONGOTONG—Isang alyas ‘Tony’ raw ang gumagamit sa pangalan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) officials para kotongan ang mga tsuper ng jeepney na bumabiyahe sa rutang Monumento-Muñoz at Monumento-TriNoma sa EDSA, at ang sinuman ang tumangging magbigay ng ‘tong’ ay pinagbabawalan nitong mamasada sa naturang ruta.


Dapat umaksyon dito ang mga opisyal ng MMDA. Dapat nilang hulihin, sampahan ng kaso at ikulong si ‘Tony’ dahil sinisira nito ang imahe ng MMDA para kotongan ang mga tsuper ng jeepney. Boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page