top of page
Search
BULGAR

Datung, ipinamimigay lang, Mariel… ROBIN, AMINADONG BILYONARYO

ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 28, 2024



Showbiz News

Aminado si Sen. Robin Padilla na naging bilyonaryo rin naman siya noon, pero hindi na raw ngayon.


Muling nakapiling ng entertainment press ang nagbabalik-pelikulang aktor sa mediacon para sa gagawing biopic ng Borracho Films, ang life story ni dating Sen. Gringo Honasan na may titulong GRINGO: The Greg Honasan Story.


Si Senator Robin ang napili ng Borracho Films producer na si Atty. Ferdinand Topacio para gumanap na Sen. Gringo sa movie na intended for MMFF 2024.


Ayon kay Sen. Robinhood, bago pa man siya napasok sa Senado, matagal nang naka-line-up sa bucketlist niya ang naturang movie at pabor na pabor siyang gumanap na Sen. Gringo dahil pareho sila ng paniniwala pagdating sa usapin ng rebolusyon at repormang dapat gawin sa Pilipinas.


At dahil senador na nga siya ngayon, natanong namin ang aktor-pulitiko kung hindi ba siya nagtaas ng talent fee dahil ibang level na nga siya at hindi na basta action star lang.

Dito na nga inamin ni Sen. Robin Padilla na hindi naman ang talent fee ang habol niya sa muling paggawa ng pelikula dahil naging bilyonaryo naman daw siya noon sa dami na rin ng mga pelikulang nagawa niya.


Pero dahil napakarami na rin naman niyang natulungan na hindi naman daw niya ipinaaalam sa lahat, ‘wag nang hanapin pa kung bakit hindi na raw siya maituturing na bilyonaryo ngayon.


Samantala, in-announce na rin ni Atty. Ferdie Topacio (na by the way, naka-attend lang via video call dahil nasa abroad pa ito) sa naturang mediacon na si Megastar Sharon Cuneta ang napili niyang maging leading lady ni Sen. Robin sa GRINGO: The Greg Honasan Story.


 

Walang ibang gustong leading lady, Mariel… 

ROBIN, HUMIRIT NA DAPAT MAY TIKIMAN PA RIN SILA NI SHARON


Sharon Cuneta at Robin Padilla

Nagulat man ang senador sa ibinalita ng Borracho producer, pabor na pabor siya sa idea dahil matagal na rin daw niyang gustong makatrabaho uli si Megastar.


Hindi pa raw nasasabihan si Sharon tungkol sa offer na ito pero very positive si Sen. Robin na tatanggapin ni Mega ang role sa pelikula para gumanap na misis ni dating Sen. Gringo Honasan.


Sabi namin kay Sen. Robin, bukod sa maysakit yata si Mega, may naka-line-up pa itong teleserye with Julia Montes kaya baka hindi kayanin ng schedule nito. Kaya kung sakali, may naiisip ba siyang maging kapalit ni Sharon?


Well, firm pa rin ang senador na si Mega lang talaga ang naiisip niyang babagay sa role at para maging leading lady niya sa movie. Isa pa, magandang reunion project daw ito para sa kanila dahil talaga namang nag-click ang kanilang tambalan noon sa Maging


Sino Ka Man.


At isa pa, mga 3 days lang naman daw kakailanganing mag-shooting ni Sharon. ‘Yun nga lang, dahil may pagka-action ang movie, mukhang mapapasabak din daw sa action scenes ang Megastar, ayon na rin kay Sen. Gringo.


Natawa naman kami sa sagot ni Sen. Robin nang matanong kung magkakaroon din ba sila ng intimate scenes dito ni Mega since gaganap nga silang mag-asawa.


Ayon sa senador, nalungkot nga raw siya na parang wala sa script na may mga kissing scenes sila ni Sharon, na hindi raw puwedeng wala dahil malaking factor din daw ‘yun para makahatak ng mga fans nila at manonood ng movie.


But when asked kung okay pa rin ba sa misis niyang si Mariel Rodriguez ang pagkakaroon niya ng kissing scenes with his leading lady sa movie lalo na’t ex-GF niya si Sharon Cuneta, paliwanag ng senador, sa lahat ng ex niya, si Sharon lang ang ‘di pinagseselosan ni Mariel at kilig na kilig pa nga raw ito kapag pinapanood sila sa kanilang mga pelikula noon.


In fact, kapag si Sharon daw ang naging leading lady niya, hindi na kailangang magbantay ni Mariel sa shooting dahil sa malaking tiwala nito sa kanilang dalawa ng kapareha.


Well, next week na raw sisimulan ang shooting ng GRINGO: The Greg Honasan Story at sana nga ay makapasok sa MMFF dahil tiyak na marami ring naka-miss sa tambalang Sharon-Robin.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page