top of page
Search
  • BULGAR

Dating kandidato sa pagka-konsehal, isinusuka ng mga kasamahan dahil masyadong pabida...

palaging una ang pangalan sa pagbibigay kuno ng tulong, hindi naman galing sa bulsa ang ginagastos sa ayuda, kapal!

ni Chit Luna - @Yari Ka! | July 2, 2020



Aminado ang hepe ng Antipolo City Public Information Office na “pulitiko” lang talaga ang peg ng isa sa kanyang mga tauhan na pilit idinidikit ang kanyang pangalan sa pamamahagi ng pamahalaang lungsod ng ayuda para sa mga residente ng kanilang lokalidad.


Tawagin natin siyang “epalloid” — hango sa dalawang kataga — epal at mongoloid.


Minsan nang kumandidato si “Epalloid” pero dahil isa nga siyang modelo ng epal na pulitiko, laglag siya! Makaraang sumubsob sa kanyang unang pagtatangka ay nagpasya itong magdidikit sa dating yorme ng Antipolo City at kalaunan ay naging bahagi ng isang tanggapan ng lungsod na may mandatong pangasiwaan ang programang may kinalaman sa pakikipag-ugnayan ng lungsod at kanilang nasasakupan, maging ang aspeto ng public information.


Bahagi ng gawain sa nasabing tanggapan ay ang pangangasiwa sa social media affairs ng lungsod. Sa bawat pamilyang binibigyan ng ayuda ni mayora, tinitiyak ni “Epalloid” na kasali siya sa mga pasasalamat ng mga benepisaryo. Ibang klase, kapalmuks!


Ang mga mensahe ng pasasalamat sa pamahalaang lungsod na kinakatawan ni Mayor ay makikita sa iba’t ibang Facebook groups at pages na nakabase sa nasabing lungsod.

Ang nakakaloka, una pa ang pangalan niya sa mga FB post na kanyang minamaniobra! Hala, bida-bida si kuya!


Walang masama sa pasasalamat dahil magandang ugali ito nating mga Pilipino. Subalit maling-mali na obligahin mo ang mga nabiyayaan ng grasya na itampok ang pangalan mo. Mantakin mo na una pa siya sa billing? Ikaw ba bumili at gumastos o sa bulsa mo ba galing ang pera?


“Epalloid”, karapatan mong magpakilala bilang paghahanda sa naunsiyami mong pangarap na maging public official, pero utang na loob, ‘wag mong gamitin ang ayuda ng gobyerno sa hangad mong maging tanyag.


Hindi ka pa nananalo, epal ka na! Try mo kayang magpaandar gamit ang pera mo!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page