Dati ang kinatatakutan multo, ngayon mataas na presyo na ng mga bilihin
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 1, 2022
MAS TAKOT NA NGAYON ANG MAMAMAYAN SA MATAAS NA PRESYO NG MGA BILIHIN KAYSA SA MULTO—Dati kapag Undas o Pista ng mga Patay, usung-uso ang katatakutan dahil marami sa atin ang takot sa multo.
Pero sa panahon ngayon, hindi na multo ang kinatatakutan ng mga Pinoy, mas takot na silang magpunta sa mga pamilihan dahil sa taas-presyo ng mga bilihin.
◘◘◘
WALA SANANG NAGUGUTOM NA PINOY KUNG WALANG CONFIDENTIAL FUNDS AT PORK BARREL—Noong October 21, 2022 ay naglabas ng survey ang SWS na 49% ng pamilyang Pilipino ang nakararanas ng hirap sa buhay at noong October 29, 2022 ay muling naglabas ng survey ang SWS na 11.3% ng mga Pinoy ang nakararanas na ng gutom.
Sa totoo lang, hindi dapat nakararanas ng hirap at gutom ang milyun-milyong Pinoy kung walang confidential funds at pork barrel.
Ibig sabihin, kung ang budget para sa confidential funds at pork barrel ay i-realign pang-ayuda sa mamamayan ay siguradong walang Pilipino ang makararanas ng hirap at gutom.
◘◘◘
SANA ANG DASAL NI VP SARA AY MAY KAAKIBAT NA TULONG—Sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Paeng ay naglabas ng statement si Vice-Pres. Sara Duterte-Carpio na ipinagdarasal niya ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa panahon ng unos.
Okay ang dasal ni VP Sara, kaya lang san ang kanyang pagdarasal ay sinamahan niya ng agarang pagbibigay-tulong tutal napakalaki ng budget ng Office of the Vice President, plus meron pang P500 milyong confidential funds.
◘◘◘
SENTIMO LANG ANG ROLLBACK SA LANGIS, IBINIDA PA NG DOE AT OIL COMPANIES—Ibinida ng Department of Energy (DOE) at mga oil companies na ngayong Nobyembre 1, 2022 ay may rollback ang presyo ng mga produktong petrolyo: 25 sentimo per liter sa gasolina, 25 sentimo per liter sa kerosene at 60 sentimo per liter sa diesel.
Mantakin n'yo, sunud-sunod ang oil price hike at nuong October 11, 2022 ay sobrang laki pa ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, P1.20 sa kada litro ng gasolina, P3.50 sa kada litro ng kerosene at P6.85 kada litro ng diesel, tapos na mag-rollback ngayon sa presyo ng langis, sentimo lang ang ibinawas.





Comments