top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Dapat ligtas at maayos sa pag-uwi sa mga probinsya ngayong Semana Santa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 26, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 26, 2023

Sa papalapit na Semana Santa, naghahanda na ang sektor ng transportasyon sa posibleng bulto ng mga pasahero sa mga terminal na mag-uuwian sa kani-kanilang mga probinsya.


Tinitiyak na ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang seguridad at kaligtasan ng mahigit 1.2 milyong pasahero na inaasahang dadagsa sa paggunita ng Mahal na Araw.


Pahayag ni Jason Salvador, Corporate Affairs and Government Relations head ng PITX, nag-ugat ang inaasahang mahigit isang milyong pasahero, base sa kanilang obserbasyon na maraming pasahero ang babiyahe nang mas maaga upang maiwasan ang holy week exodus sa Metro Manila, kaya ngayon pa lang ay nagre-ready na sila para sa mga komyuter sa pamamagitan ng “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2023.”


Aniya, isang inisyatiba ang Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa na kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Transportation (DOTr), Metro Manila Development Authority (MMDA), Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT), Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police (PNP), at Red Cross – Parañaque Chapter para sa maayos at ligtas na pagbibiyahe ng mga pasahero sa papalapit na Semana Santa.


Simula sa Abril 1, ilalatag ang DOTr Malasakit Help Desk (MHD) sa main entrance o Entrance 2 ng terminal kung saan, nakatalaga ang mga personnel ng DOTr, I-ACT, LTO, LTFRB, MMDA.


Nagde-deploy na rin ang Red Cross Parañaque Chapter ng mga Emergency Medical Technician (EMT) sakaling may indibidwal na mangailangan ng basic life support, habang ang PNP ay magsasagawa ng 24-hour mobile patrol, kasama ang mga K-9 units, para sa seguridad ng lugar.


Ang LTO ay nag-iinspeksyon na rin sa lahat ng public utility vehicle (PUV) para tiyakin kung maayos ang mga sasakyang ibabiyahe habang ang mga driver ay susuriin kung physically at mentally fit, at wala sa impluwensya ng alak at ilegal na droga.


Nagbigay naman ng special permit sa 22 units ang LTFRB para sa karagdagang bus na babiyahe sa Bicol Region. Magtatalaga rin ang kagawaran ng mga personnel para mag-isyu ng special permit sa dagdag na bus sakaling kakailanganin pa.


Giit pa ni Salvador, isinaayos nang husto ang PITX at well-maintained ang mga pasilidad dito para mapagsilbihan at makapagbigay ng komportableng travel experience sa mga pasahero.


Mainam na maaga pa lamang ay naghahanda na ang transport sector para sa paggunita ng Kuwaresma.


Pihado kasing marami ang magbabakasyon na mga kababayan sa kanilang mga kaanak at uuwi sa kanilang mga probinsya.


Tuluy-tuloy sana ang ginagawang ito ng kinauukulan na pagseserbisyo at hindi umpisa lamang dahil umaasa ang taumbayan na magiging maayos at ligtas ang paggunita natin ng Semana Santa ngayong taon.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page