Dapat isalpak ni Sen. Padilla sa kanyang kukute na bad ang lahat ng uri ng bullying
- BULGAR
- Feb 17, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 17, 2023
BUTI NAISIP NI SEN. TULFO NA ISAMA ANG KASONG PLUNDER SA PROBISYON NG MIF PARA MAKULONG ANG MGA MANGUNGURAKOT SA P250-B INVESTMENT FUND—Sa pagdinig sa Senado kaugnay sa P250 billion Maharlika Investment Fund (MIF), nais ni Sen. Raffy Tulfo na isama sa probisyon na sampahan ng kasong plunder ang lahat ng mamamahala sa MIF sakaling kurakutin ang pera ng bayan na inilagay sa investment fund ng pamahalaan.
Buti na lang, naisip ni Sen. Tulfo na isama sa probisyon ng MIF ang kasong plunder dahil hindi talaga katanggap-tanggap ang sinabi ng economic team ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na kapag nakurakot o nalugi ang P250-B investment fund ay wala silang pananagutan. Bagkus, ang mananagot o ang magbabayad sa P250-B ay ang taumbayan, period!
◘◘◘
IMBES NA BADYETAN ANG DAGDAG-KLASRUM AT ISKUL, ROTC ANG BINADYETAN NG P61.2-B—Hindi pala P30 billion kundi P61.2 billion ang ilalaang badyet ng pamahalaan para sa mandatory Reserve Officer's Training Corps (ROTC) sa mga mag-aaral sa senior high school at college.
Pambihira naman, imbes na ang P61.2-B na ‘yan ay ipampagawa ng mga silid-aralan at eskuwelahan dahil mismong ang Department of Education (DepEd) na ang nagsabi na kapos ng mahigit 90,000 classrooms ang mga paaralan sa bansa, kulang din ng mga school buildings, pero mas binibigyan pa ng prayoridad na badyetan ng ganyang kalaking halaga ang mandatory ROTC. Tsk!
◘◘◘
P61.2-B ROTC FUNDS, BAKA KURAKUTIN LANG—Ang ROTC ay binuwag noong year 2001 matapos mabulgar na ang pondo nito ay kinukurakot lang. Gayundin, naging sanhi ito ng pagpatay at pag-salvage kay ROTC cadet Mark Chua, estudyante ng University of Sto. Tomas (UST), na siyang nagbulgar ng korupsyon sa ROTC.
Ang nais nating ipunto rito ay baka hindi lahat mapunta sa ROTC ang P61.2-B. At baka ang karamihan pa sa perang ‘yan ay mapunta lang sa bulsa ng mga kurakot na mamamahala sa ROTC. Boom!
◘◘◘
LAHAT NG URI NG BULLYING AY MASAMA, KAYA MALI ANG PANINIWALA NI SEN. PADILLA NA HINDI BAD ANG PHYSICAL BULLYING—Pinutakte ng batikos sa social media si Sen. Robin Padilla dahil sa kanyang statement na hindi raw bad ang physical bullying kumpara sa mental bullying.
Ganu’n? Para kay Sen. Padilla ay hindi bad ang pananakit sa kapwa?
Hay naku, dapat isalpak sa kukute ni Sen. Padilla na ang lahat ng uri ng bullying ay bad, kaya nga may batas na anti-bullying act dahil physical o mental bullying man, ay bad 'yan, period!





Comments