Dapat isalpak ni Mariel sa kanyang kokote, ‘di niya bahay ang senado para gumawa ng kaek-ekan
- BULGAR
- Feb 27, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 27, 2024
PARANG SINABI NA RIN NI MAYOR BASTE NA KUNG ‘DI DAHIL SA P20 PER KILONG BIGAS SCAM MALAMANG ‘DI NANALONG PRESIDENTE SI P-BBM -- Muling inatake ni Davao City Mayor Baste Duterte si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) nang sabihin nito na ang campaign promise raw ni P-BBM na P20 per kilo ng bigas ay pinakamalaking scam.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Mayor Baste na kung hindi dahil sa P20 per kilong bigas na pangako ni P-BBM sa mamamayan, malamang na hindi siya (P-BBM) ang nanalong presidente, kundi si former Vice Pres. Leni Robredo, period!
◘◘◘
WALA NANG TATALO KAY VP SARA SA PAGKA-PRESIDENTE SA 2028 ELECTION KAPAG NAGSANIB-PUWERSA ANG MGA DDS, DILAWAN AT LOYALISTS -- Sa ika-38 anibersaryo ng bloodless EDSA People Power Revolution ay ikinatuwa ng mga “dilawan” ang statement ni VP Sara Duterte-Carpio na laging alalahanin ang aral at diwa ng EDSA, ang lakas ng pagkakaisa, pagtindig sa tama at paglaban sa mali.
Kaya kapag sa 2028 presidential election ay sinuportahan ng mga “yellow fanatics” ang kandidatura for president ni VP Sara at sa rami ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) at marami rin ang mga “dilawang botante”, tapos hahatak pa ng boto sa mga loyalista si Sen. Imee Marcos na pro-Duterte, ay tiyak wala nang tatalo sa anak ni ex-P-Duterte, boom!
◘◘◘
HINDI BAHAY NI MARIEL ANG SENADO PARA GUMAWA SIYA NG MGA KAEK- EKAN DITO -- Dahil sa hindi matigil-tigil na pambabatikos ng publiko sa mag-asawang Sen. Robin Padilla at Mariel Rodriguez-Padilla patungkol sa post ni Mariel sa social media na nagpa- gluta drip siya sa tanggapan ng mister niyang senador, at dahil ipinagbabawal pala ng Dept. of Health (DOH) ang ganitong sistema ng pagpapaputi ng kutis kasi nagdudulot umano ito ng cancer, ang naging palusot ni Mrs. Padilla sa isyung ito ay hindi raw gluta drip ang kanyang ginawa, kundi vitamin c drip.
Okey, ipagpalagay nga nating totoong hindi gluta drip, kundi vitamin c drip ang ginawa niya sa tanggapan ng mister niyang senador, pero dapat isalpak ni Mrs. Padilla sa kanyang kokote na hindi nila bahay ang Senado para gumawa siya ng kung anu-anong “kaek-ekan” sa institusyong Senate of the Philippines na ipinu-post pa niya sa social media, period!
◘◘◘
PAGKUNSINTE NI SEN. ROBIN SA GINAWA NG MISIS NIYA SA KANYANG OPISINA SA SENADO, MAGSILBING ARAL SANA SA MGA BOTANTE NA HILIG BUMOTO SA MGA SIKAT NA PERSONALIDAD -- Ang kontrobersiyang ito na kinasangkutan ni Mrs. Mariel Padilla na kinunsinte naman ng mister niyang senador dahil kita sa larawan na nandoon si Sen. Robin nang isagawa ni Mariel ang napabalitang gluta drip, na ayon naman sa kanya ay vitamin c drip, ay magsilbing-aral sana sa mga botante na boto nang boto sa mga sikat na personalidad na kumakandidato.
Ang nais nating ipunto rito ay next year, sa May 2025 election ay may mga sikat na personalidad, may mga bago at reelectionists ang kakandidato sa pagkasenador, na dapat isipin ng mga botante ay kung may gagawin bang batas ang mga ito para maibsan ang kahirapan ng mamamayang Pinoy, o kung magpapabida lang ang mga ito, o kung may mga misis din ba ang mga ito na gagawa ng mga “kaepalan” sa senador, boom!





Comments