Dapat gawin ng taong nueve na gustong umunlad sa buhay
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 16, 2023
Dear Maestro,
Ano ba ang kapalaran ng isang Taong Nueve (9)? Sa ngayon ay marami na akong napasukang trabaho, pero hindi pa rin ako napipirmi o tumatagal.
Kung mag-a-abroad ako, may maganda bang kapalaran sa pangingibang-bansa?
Gayundin, ano ba talagang career o hanapbuhay ang bagay sa akin? August 18, 1988 ang birthday ko.
Umaasa,
Jayson ng Libtong, Meycauyan, Bulacan
Dear Jayson,
Naging nueve ang birth date mong 18 dahil sa Numerology, ang 18 ay kinokompyut nang ganito: 1+8=9. Kung iisa-isahin ang mga numero mula 1 hanggang 9, sa siyam na numero, ang mga Taong Nueve ay may pinakamaraming iniisip at ambisyon sa buhay, kaya kung hindi magiging simple o eksakto ang kanilang layunin, hindi sila magkakaroon ng permanente, maunlad at magandang kapalaran.
Kaya para sa mga taong may birth date na 9, 18, at 27, at sila ang naiimpluwensyahan ng numerong ito, tulad mo, Jayson, kaya dapat ay simplehan n’yo lang ang inyong iniisip at pangarap upang hindi kayo magbigo sa buhay.
Ano ang ibig sabihin ng simpleng pangarap at depenidong layunin? Halimbawa, kung pag-a-abroad ang gusto mo, dapat may eksaktong dahilan kung bakit ka mangingibang-bansa.
Halimbawa, may target kang halaga na maipon, at kapag naipon mo ‘yun, isipin mo naman kung saan mo ilalagay ang nasabing salapi sa depenido at malinaw ding negosyo.
Hindi tulad ng madalas mangyari sa mga Taong Nueve na mag-a-abroad, pero wala namang larawan sa isipan kung magkano ang iipunin nilang pera sa ibang bansa o kung gaano kalaking halaga ang inaasam nilang maiipon. Kaya ang nangyayari, nakakapag-abroad sila, pero sa bandang huli, wala rin silang ipon o pera dahil nauubos agad pagbalik nila sa ating bansa.
Hindi rin dapat pagsabayin ng Taong Nueve ang iniisip niyang pag-a-abroad, tapos mag-iisip pa siyang magnegosyo dahil magkahiwalay na bagay ‘yun na makakadagdag sa kaguluhan ng isip niya.
Sa halip, kung pag-a-abroad ang iniisip o pinaplano, mabuting du’n muna magpokus at saka na lang isipin ang negosyo. Kung negosyo naman, puro negosyo muna ang tutukan at saka na lang isipin ang pag-a-abroad.
Tama, hindi dapat sabay-sabay ang iniisip at pinaplano dahil kapag ganyan ang ginawa mo, nasasayang lang sa ganitong gawain ang napakalakas na enerhiya ng Taong Nueve, na tunay ngang kapag nag-concentrate sila sa iisang gawain, parang zodiac sign na Scorpio, hindi puwedeng hindi nila makamit ang kanilang layon sa mabuti o masama mang paraan.
Habang, ayon sa Decadens ng Kapalaran, Jayson, partikular sa iyong Travel Calendar, kung pag-a-abroad talaga ang layunin mo, kailangang mag-concentrate ka ru’n. Kapag nasa abroad ka na, kailangang may naka-set kang halaga ng salapi na balak mong ipunin upang hindi masayang ang pag-a-abroad. Kapag may malinaw kang plano, tiyak ang magaganap, kapag nakapag-abroad ka na, sa taong kasalukuyan at sa edad mong 35 pataas, hindi masasayang ang iyong pangingibang-bansa — sa iyong pagbabalik, magtatagumpay ka na at habambuhay na magiging maligaya.




Comments