top of page
Search
  • BULGAR

Dapat gawin ng mga isinilang sa Year of the Goat o Sheep base sa taon ng kapanganakan

ni Maestro Honorio Ong @Forecast | February 28, 2023


Ipagpatuloy natin ang pagtalakay sa mga katangian at magiging kapalaran ng animal sign na Kambing o Goat, na tinatawag ding Tupa o Sheep, ngayong Year of the Water Rabbit.


Ang Kambing o Goat, Tupa o Sheep ay silang mga isinilang noong taong 1931, 1943, 1955, 1967, 1979, 1991, 2003, 2015, at 2027.


Kung ikaw ay Tupa o Kambing na isinilang noong 1955 at 2015, ngayong 2023, magaang papasok sa kaban-yaman mo ang mga materyal na bagay na halos hindi mo na paghihirapan. Kusang dadami ang panahon mo sa mga bagay na may kaugnayan leisure activities na lalo pang magpapasaya ng iyong buhay.


Para sa mga isinilang noong 1967, maraming magagandang balita ang darating ngayong Year of the Water Rabbit. Hindi lang magagandang balita sa iyong kapalaran ang bubulaga, bagkus darating din ang mga kaibigan at malalapit sa buhay na galing sa malalayong lugar. Sa kanilang pagdating, ikaw ang unang mababalatuhan at makikinabang nang husto sa materyal na bagay at magandang mga balita na kanilang dala-dala.


Maaari ring sobrang malibang ka sa magagandang kapalaran na darating, pero hindi ito dapat mangyari dahil kapag nakalimutan mo ang iyong responsibilidad o nakalimutang asikasuhin ang mga bagay na dapat gawin, babalikwas ang pagdating maganda mo sanang kapalaran. Kaya sa buong taon, kahit ano’ng ganda pa ng buhay o suwerte na iyong maranasan, panatilihin mo pa rin ang pagiging responsable. Dapat ay patuloy ka pa ring gumawa ng mabuti at matuwid, alinsunod sa inaatas sa iyong tungkulin. Sa ganyang paraan, kung hindi ka pabaya at mayabang, patuloy na magiging maganda ang kapalaran mo sa buong taon.

Samantala, ang mga Kambing o Tupa na isinilang noong 1979 na may masamang karanasan sa nagdaan, ngayong taon, ang mga ito ay mabilis na lilipas. Dahil sa taon ng Water Rabbit, ang lahat ng bagay ay magiging bago sa iyong paningin. Kaya dapat lang na itapon mo na ang mga lumang gamit tulad ng mga kasangkapan sa kusina na wala nang hawakan, bulok, basag at may pingas na.


Itapon mo na rin ang mga lumang relasyon at mga kaibigan na nagpasakit lamang ng iyong ulo sa nakaraan. Sa mga bagong bagay na bibilhin, matatanggap o ireregalo sa iyo o mga bagong tao o kaibigan na darating, tiyak na ikaw ay susuwertehin. Gayundin, maraming bagong pangyayari ang magaganap tulad ng bagong propesyon, pagkakakitaan, lupain, bahay, sasakyan, kasuotan, negosyo, kakilala at nakakakilig na love interest.


Sa mga isinilang noong 1931 at 1991, bagama’t magiging magastos ang 2023, kung maihahalintulad sa agos ng tubig, sadyang smooth at kampanteng damdamin ang mga magaganap sa buong taon. Ang pangangailangan at magagandang kapalaran na inilaan sa iyo ng langit ay kusang darating ngayong taon nang hindi ka masyadong malulungkot, mapapagod at mag-e-effort.


Oo, ang mga suwerte mo ay parang agos ng ilog na dahan-dahang pumapasok sa malawak na karagatan.


Samantala, ang mga isinilang noong 1943 at 2003 naman ay kailangang magpumilit at magpursige sa taong ito. Hindi puwede na gawin mong attitude ang tulad ni Juan Tamad, na nakahiga sa kawayang papag at maghapong nakanganga at hinihintay na mahulog ang hinog na bayabas sa kanyang bunganga. Hindi mo ito dapat gawin ngayong 2023, sa halip, kung may nais kang makamit, mag-effort ka. Habang ginagawa mo ito, aani ka ng masagana at masarap na bunga ang bawat pagsisikap na iyong gagawin. Dagdag pa rito, sa ngayong Year of the Water Rabbit, sinasabing mag-ingat ka rin sa mga biglaang pakikipagrelasyon na darating dahil may tendency na bigla itong mawala. Kung nais mo ng panghabambuhay na companion na magpapaligaya sa iyo, hayaan mong unti-unting ma-develop ang inyong pagkakaibigan upang ang nasabing ugnayan ay maging maligaya at panghabambuhay nang relasyon. Tandaan mo na ang mamahaling ginto na nahuhukay sa lupa ay hindi muna makinis. Bagkus, ito ay dinadaan sa salaan hanggang kuminang.


Ganundin ang mga pangyayaring magaganap sa iyo sa buong 2023, kung paanong napulot mo ang isang tipak na ginto na medyo marumi, kailangan mong punasan at pagpalaing maigi upang ito ay magkaroon ng halaga, na siya namang magdadala sa iyo sa isang maunlad, maligaya at mas masaganang karanasan sa buong Year of the Water Rabbit.


Itutuloy


Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page