Dapat gawin ng engineering graduate para makapagpokus sa career
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| June 16, 2022
Dear Maestro,
Ano ang kapalaran ng taong isinilang noong March 7, 1994 at makapag-a-abroad ba ako? Ako ay Engineering graduate, pero wala pa akong permanenteng trabaho na angkop sa tinapos ko.
Kailan ba ako magkakaroon ng trabaho na talagang gusto ko at may kaugnayan sa kurso ko na may malaki ring suweldo? Gayundin, nais kong malaman kung sinu-sino ang mga babaeng ka-compatible ko at kailan ako magkaka-girlfriend?
Umaasa,
Jerome ng Santo Domingo, Orion, Bataan
Dear Jerome,
Ayon sa birth date mong 7, sa destiny number mong 6 (naging 6 ang destiny number mo dahil 3+7+1994=2004/ 20+04=24/ 2+4=6) at sa zodiac sign mong Pisces, masyado kang maraming iniisip at pinapangarap, ngunit kulang ka sa kongkretong aksiyon. Ibig sabihin, kapos ka sa pagkilos o pagpapatupad ng iyong mga pangarap.
Kung minsan naman, naipapatupad mo ang iyong mga ideya at balak, pero dahil kulang ka sa konsentrasyon, madali kang pinanghihinaan ng loob, kaya tumitigil ka sa iyong proyekto hanggang sa tuluyang mabura at mabigo ang iyong sinimulang gawain.
Upang malubos ang iyong tagumpay, kailangang magpokus ka sa iisang bagay at ito ay ang tungkol sa iyong kursong tinapos.
Kaya kung hindi ka pa nakakapasa sa board exam, tulad ng nasabi na, ang destiny number mong 6 ang nagrerekomendang kung ano ang kurso na natapos mo, ru’n ka mag-concentrate dahil du’n ka aasenso at makikilala.
Napansin mo ba na ang year 2022 ay may sumatotal na 6? Nangyari, dahil ang 2022 ay 20+22=42/ at ang 42 ay 4+2=6. Kung saan, sa panahong ito, kung susundin mo ang mungkahi sa itaas na magpokus sa iyong career, tiyak na sa nasabing panahon, tuloy-tuloy ka nang makakasumpong ng matatag, malaki ang suweldo at asensadong trabaho.
Dagdag pa rito, upang mas madaling matupad ang mga pag-aanalisang inilahad sa itaas, bukod sa konsentrasyon sa iisang gawain, kailangang palagi kang magsuot ng mapalad mong kulay na berde at pula. Sa nasabing kulay, madali mo nang mapipitas ang suwerte at magagandang kapalaran.
Pangalawa, napansin mo ba ang iyong lagda na medyo baboy o burara? Baguhin mo ‘yan, kailangang hindi ibinabalik sa direksiyong kaliwa ang dulong bahagi ng letrang “m”. Sa halip, tapusin ang pinakapaa ng letrang “m”, na siya ring pagtatapos ng iyong lagda sa straight line. Sa ganyang paraan, mas madali mong makakamit ang katuparang materyal at pagdami ng iyong salapi at ari-arian.
Habang ka-compatible naman ng zodiac sign mong Pisces ang mga babaeng isinilang sa zodiac sign na Cancer, Scorpio, Virgo, Gemini at kapwa mo Pisces, higit lalo silang may mga birth date na 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 9, 18, 27, 3, 12, 21, 30, 6, 15 at 24.
Samantala, ayon sa iyong Love Calendar, sa taon ding ito ng 2022 at sa edad mong 28 pataas, magkaka-girlfriend ka na, hatid ng babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Cancer.




Comments