Dapat gawin ng dalagang aries para magka-dyowa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 13, 2021
Dear Maestro,
Isinilang ako noong April 6, 1991 at hanggang ngayon ay dalaga pa rin. Naisipan kong sumulat sa inyo upang malaman kung may pag-asa pa ba akong makapag-asawa, kung mayroon, ano ang dapat kong gawin at kailan ito mangyayari?
Umaasa,
Allan ng Bagumbayan, Taguig City
Dear Allan,
Bagama’t palaging kandidata sa pagtandang dalaga ang mga Taong Sais (6) at Taong Siete (7), kung gagawa sila ng paraan o aakitin nila ang suwerte sa larangan pag-ibig at pakikipagrelasyon, hindi naman imposibleng magka-boyfriend at makapag-asawa rin sila.
Sa kaso mo na isinilang noong April 6, 1991, na may zodiac sign na Aries, birth date na 6 at destiny number na 3 (4+6+1991=2001/20+01=21/ 2+1=3), upang magka-boyfriend at makapag-asawa, ganito ang gawin mo.
Una, palagi kang magsuot at gumamit ng kulay na pula, dahil ito ang magbibigay sa iyo ng suwerte at magandang kapalaran. Ang pula ang hahatak at hihigop ng lalaking makakarelasyon at mapapangasawa mo.
Pangalawa, palagi kang lumabas ng bahay at makisalamuha tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15 at 24, lalo na kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes dahil ‘yan ang pinakamasuwerte mong araw upang makatagpo ng lalaking iibig sa iyo, gayundin, tapat at mabuting karelasyon.
Pangatlo, darating ang lalaking pinakahihintay mo mula sa pinaka-paborable mong panahon, at ito ay mula sa ika-21 ng Hulyo hanggang ika-27 ng Agosto, mula ika-21 ng Setyembre hanggang ika-21 ng Disyembre at mula sa ika-21 ng Marso hanggang sa ika-27 ng Abril.
Pang-lima, makipagkaibigan ka sa mga lalaking ka-compatible mo upang may mabuong relasyon at malalim na ugnayan sa inyong dalawa. Sila ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Leo, Sagittarius, Libra at kapwa mo Aries na may birth date na 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27.
Pang-anim, mag-alaga ka ng kahit anong uri ng hayop, puwedeng pusa, aso o ibon dahil ang mga Aries, tulad ng mga Sagittarius ay mas madaling sinusuwerte sa pag-ibig at lahat ng larangan ng buhay kung sila ang may alagang hayop na sila mismo ang nagpapakain, kumakausap at nag-aalaga.
Sa sandaling nagawa mo ang anim na paaraang nabanggit, tiyak ang magaganap. Sa taon ding ito ng 2021, abot na abot pa sa darating na Pasko, sa edad mong 30 pataas, magkaka-boyfriend ka, makapag-aasawa at habambuhay na magiging maligaya.




Comments