Dapat gawin ng binatang laging bigo sa love life
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| April 08, 2021
Dear Maestro,
Bakit hindi naman ako Taong Tres o isinilang sa numerong 3, 12, 21 at 30, tulad ng madalas n’yong sabihin dati na bigo sila sa pag-ibig, pero bakit October 31, 1992 ang birthday ko, pero pansin kong hindi ako suwerte sa pakikipagrelasyon? Nagkaka-girlfriend naman ako, pero bakit nawawala rin? Marami na akong naging girlfriend at itong kasalukuyan, nagkakalabuan na naman kami.
Ano ang dapat kong gawin para mapanatili ko ang isang relasyon? At sa palagay n’yo, compatible ba kami ng kasalukuyan kong girlfriend na isinilang noong July 11, 1996? October 31, 1995 naman ang birthday ko.
Umaasa,
Zedrick ng Bantay, Boac, Marinduque
Dear Zedrick,
Malamang, hindi ka marunong mag-alaga ng girlfriend at mag-manage ng isang relasyon, kaya kahit nagkaka-girlfriend ka, mabilis ding siyang nawawala sa iyo.
Alam mo, ang pagkakaroon ng girlfriend ay para ring pag-aalaga ng pet. Dapat inaalagaan mo siya, niyayakap, hindi lang physically, bagkus ang mas mahalaga ay emotionally.
Ibig sabihin, hindi mo siya dapat pinagagalitan nang walang sa lugar at binibigyan ng sama ng loob. Tulad ng pag-aalaga ng pet, kailangang sensitive ka sa kanyang mga pangangailangan, lalo na sa aspetong emosyunal at pinansiyal sa panahong nagigipit siya sa pera.
Tinatawagan mo ba siya araw-araw para kumustahin ang kanyang kalagayan? Dapat paggising mo sa umaga, tawagan mo siya agad at sabihing, “Wala lang, mahal, na-miss lang kita. Kumain ka na ba?”
Kung ayaw mo naman ng call, puwede rin ang isang sweet message paggising niya sa umaga para pagbukas ng kanyang cellphone, ikaw ang bubungad sa isipan niya.
Pagdating naman ng gabi, bago siya matulog, tawagan mo ulit siya at sabihing, “Naalala lang kita, matulog ka nang maaga, ha!” Kung ayaw mo naman ng tawag, puwede rin ang sweet message para bago siya mahiga, ang iyong message ang kanyang babaunin sa pagtulog.
Pagkatapos, tulad ng nasabi na, kailangang sensitibo ka sa kanyang mga pangangailangan at sa mga paborito niyang pagkain at gawain.
Kung paborito niya ang bulaklak, dapat binibigyan mo siya nito at mas maganda kung iba’t ibang uri ng kulay ng bulaklak na paborito niya. Halimbawa, rose na red, pink, yellow at puwede ring blue. Basta kailangang maipadama mo sa kanya na mahalaga siya at ang kaligayahan lamang niya ang hangad mo sa buong buhay.
Pagkatapos, kailangan mo ring alamin ang mga lugar na gustung-gustong niyang puntahan. Kahit ayaw mo sa lugar na ‘yun, kailangan mo siyang ipasyal kapag natapos na ang lockdown dahil ang kaligayahan niya ay dapat na maging kaligayahan mo na rin.
Tapos kapag magkasama kayo, ‘wag mo siyang kalilimutang halikan at yakapin, lalo na ‘pag bago kayo magpaalam sa isa’t isa. Ang mga babae kasi o kahit naman sino ay nangangailangan din ng init ng pagmamahal, tulad ng sanggol na nagiging malapit sa kanyang ina, habang lagi itong iwi sa halik at yakap ng kanyang dibdib.
At dapat hindi mo rin sinasaktan ang kanyang damdamin, lalo na kapag nag-aaway kayo o mayroong hindi pagkakaunawaan. ‘Yun kasi ang pinakamaselang sandali sa isang relasyon kapag may mga bagay kayong pinagtatalunan o pinagtampuhan.
Tandaan mo, lahat ng relasyong nawawasak o nauuwi sa hiwalayan, kapag may isang dahilan silang hindi mapagkasuduan. Samantalang sa totoo lang, kung mahal mo ang isang tao, puwede ka namang magbigay na lang at magparaya.
Sa pagpaparaya lumulutang ang mas matinding pag-ibig mo sa kanya. Habang kung lagi ka namang nakikipagdiskusyon at ayaw mong magpatalo, lumalabas ang ka-ipokrituhan mo at pagiging makasarili. Hindi lang makasarili dahil palagi kang nakikipagtalo sa mahal mo, ibig sabihin, makitid din ang utak mo dahil kaunting bagay lang, ayaw mo pang magpatalo, samantalang ang “tatalo” naman sa iyo ay ang taong mahal mo.
Kaya sa pag-ibig, kapag nilimot mo ang iyong sarili alang-alang sa iyong minamahal, du’n ka lang ganap na liligaya. Kapag nilimot mo ang iyong sarili alang-alang sa iyong minamahal, matatagpuan mo rin ang isang nilalang, na matapos kang magparaya at magbigay, wagas at dalisay ka naman niyang mamahalin, hanggang sa makabuo kayo ng masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.
Tandaan mo, Zedrick at sa iba pang mga lalaki r’yan na nagbabasa ng artikulong ito, alagaan mo ang iyong girlfriend tulad ng pag-aalaga mo sa inyong pusa, aso o anuman ang iyong pet. Palagi mo siyang kakausapin, yayakapin, hahalikan at ang pinakamahalaga sa lahat, palagi mo siyang pakakainin at bibigyan ng mga paborito niyang pagkain.
Kapag ginawa mo ang mga simpleng suhestiyon na nabanggit, hinding-hindi ka na iiwan ng iyong magiging girlfriend kahit dumating pa ang panahong kapwa bungal na ang inyong mga ngipin at maputi na ang inyong mga buhok.
Sabi nga ni David Ray Wilkerson, American Christian evangelist, “Love is not only something you feel. It is something you do.”
Ibig sabihin, ang tunay na pagmamahal ay hindi lang dahil masaya ka dahil kasama o mahal mo siya, bagkus ang mas mahalaga ay tanungin mo ang iyong sarili, “Ano ba ang ibinibigay at ginagawa mo sa babaeng mahal mo para mapaligya mo siya nang husto?”
Ganito naman ang sabi ni Wilhelm Van Lubreitz, isang German philosopher, “To love is to place our happiness in the happiness of another.”
In short, “Ang tunay na pag-ibig ay hindi ang pag-intindi mo sa sarili mong kaligayahan kundi ang pag-intindi mo sa kaligayahan ng iyong minamahal.”




Comments