Dapat gawin ng bebot na aries para suwertehin sa career at love life
- BULGAR
- Mar 18, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 18, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil nais ko malaman kung ano ang gagawin ko para suwertehin din ako sa love life, career at kapag may sarili na akong family, paano gaganda ang buhay namin? Dahil sa pandemic, isa rin ako sa mga nawalan ng trabaho, kaya ngayon kahit medyo delikado pa, naghahanap ako ng trabaho dahil mahirap umasa sa pamilya.
Gayundin, makatatagpo ba ako ng maganda at regular na trabaho na angkop sa kursong natapos ko? Graduate ako ng HRM, kaya lang, madalas ay hindi angkop sa natapos kong kurso ang napapasukan kong trabaho. April 6, 1994 ang birthday ko.
Umaasa,
Charmaine ng Sinagtala, Mabitac, Laguna
Dear Charmaine,
Ayon sa birth date mong 6, sa destiny number na nagkataong 6 din (4+6+1994=2004/ 20+04=24/ 2+4=6) at sa zodiac sign mong Aries, para suwertehin ka sa love life at career, ganundin sa pagpapamilya, ganito ang gawin mo:
Una, palagi kang magsuot at gumamit ng kulay na red, blue o violet. Ang nasabing mga kulay ay sadyang nagbibigay suwerte at nagdudulot ng magandang kapalaran sa mga taong tulad mo na isinilang sa zodiac sign na Aries, na may birth date at destiny number na 6. Bukod sa red, blue at violet, puwede rin ang mga kulay na hinango sa red tulad ng pink at hinango sa blue at violet tulad ng purple, lilac at iba pang kauring kulay nito.
Pangalawa, para suwertehin ka, kailangang may naka-display na mythological heroes sa iyong silid, tulad ni Marte o ang tinatawag na God of War na si Mars, ganundin ang God of Love na si Venus. Sa sandaling nakikita mo ang painting o larawan nila, siguradong susulak ang iyong dugo at libido na siya namang hihigop ng dagdag pang suwerte at magagandang kapalaran.
Pangatlo, kailangan ding may sasakyang kulay pula ang mga Aries, kahit na anong uri ng sasakyan, 'yun ang magbibigay sa kanila ng dagdag na suwerte at magandang kapalaran.
Pang-apat, dahil ikaw ay isang Aries na nagtataglay ng fire element, mahalaga ring makipagkaibigan ka sa mga kapwa mo fire element tulad ng Sagittarius, Leo at kapwa mo Aries. Puwede mo ring maging kaibigan ang isang Libra na nagtataglay naman ng air type elements at Scorpio na kapareho mo ang ruling planet na Mars, higit lalo silang may mha birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 5, 14, 23, 6, 15 at 24.
Pang-lima, bukod sa nasabing mga zodiac sign, siguradong magiging mapalad ka rin sa lahat ng petsa at numero na kung tawagin ay series 3-6-9 tulad ng 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27.
Pang-anim, ang batong diamond o kahit anong uri ng bato na may kulay red, violet o asul na ipinalamuti sa ginto o silver na singsing na nakadikit sa iyong balat ay siya namang magsisilbing dagdag na panghigop ng suwerte at pantaboy ng kamalasan.
Habang, tandaan mo rin namang ang pinakamapalad mong panahon ay tuwing sasapit ang ika-18 ng Abril hanggang ika-27 ng Marso, tuwing ika-18 ng Hulyo hanggang ika-27 ng Hunyo at mula sa ika-18 ng Nobyembre hanggang sa ika-27 ng Disyembre.
Sa sandaling nasunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad na sa itaas, tiyak ang magaganap. Ayon Decadens ng Kapalaran, sa taong kasalukuyan, tuluyan nang dadaloy ang suwerte at magagandang kapalaran sa iyong buhay. Gayundin, magkakaroon ka ng regular na trabaho na related sa iyong kurso, kasabay nito ay magkakaroon ka ng maligayang at nakakikilig na love life, na nakatakdang maganap sa taon ding ito sa buwan ng Setyembre o Oktubre, sa edad mong 27 pataas.



Comments