Dapat gawin ng 38-anyos na sawa na sa hirap
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 1, 2022
Dear Maestro,
Sabi n’yo, biglang suwerte ang dumarating sa buhay ng mga Taong Kuwatro (4) na tulad ko. Ang birthdate ko ay 13, pero bakit sa edad kong 38, kahit isang biglang suwerte ay wala pang dumarating sa buhay ko? Alipin pa rin ako ng kahirapan at baon sa mga utang, gayundin, ibig sabihin ba ng may biglang suwerteng darating ay dapat kaming tumaya sa lotto o sumali sa mga pa-raffle para kami ay suwertehin kahit hindi ako mahilig sa sugal at bihirang tumaya sa lotto?
Paano ako susuwertehin, kahit hindi biglaan, basta makaahon sa mga pagkakautang at masasabing hindi naman sumasala sa pananghalian at mapag-aral ang mga anak ko sa kolehiyo? Ayaw ko naman kasing yumaman nang sobra, lalo na’t hindi naman madadala sa hukay ang materyal na bagay na maiiwanan natin sa mundong ito. December 13, 1983 ang birthday ko.
Umaasa,
Val ng Masagana, Pandi, Bulacan
Dear Val,
Hindi madadala sa hukay ang napakaraming salapi, gayundin ang sandamakdak na ari-arian at mga pera sa bangko, pero gugustuhin mo bang mamatay nang walang maiiwan sa iyong mga anak?
Ang masaklap pa nito, kung bago ka namatay ay nagkasakit ka muna, matagal-tagal na naratay sa banig ng karamdaman at naospital, saan kukuha ng pambili ng gamot at pambayad sa opsital ang mga maiiwan mong mahal sa buhay? Mapipilitan silang mangutang at maghanap ng pera kung saan-saan. Kaya sa halip na makatulong ka sa mga taong maiiwan mo sa panahong ikaw ay wala na, nakaperwisyo ka pa dahil sa katwiran mong hindi nadadala sa hukay ang napakaraming pera.
At dahil utang ang naiwan mo nang ikaw ay pumanaw, ang mga anak mo na hindi mo rin napag-aral at ang iyong asawa na pinamanahan mo ng utang, ay siya namang magmamana ng iyong kahirapan. Magkakaroon ka ngayon ng apo dahil nag-asawa na ang mga anak mo at pagkatapos, sila naman ang magmamana ng kahirapang iniwan mo.
Kaya walang masama kung ikaw ay magpapayaman ngayon upang kapag nagkasakit ka, may panggastos ka sa mga bayarin sa opistal at gamot. Oo, dapat kang magpayaman kung bukod sa iyo ay may magkasakit pang ibang miyembro ng iyong pamilya. Dapat maraming-marami ang iyong naipong pera upang kapag dumating ang biglaang pangangailangan, secured ang buhay mo. Dahil dito, magkakaroon ka ng peace of mind at ito ang magbibigay sa iyo ng dagdag na ligaya at magpapahaba pa lalo ng buhay mo.
Samantala, hindi naman sinasabi ng kapalaran mo na nagtataglay ng biglang suwerte na palagi kang makipagsapalaran upang masapol mo ang magandang kapalaran. Sa halip, ayon sa birth date mong 13 at sa zodiac sign na Sagittarius, sapat na lumabas ka ng bahay at kung may kaunting pera ay paminsan-minsang makipagsapalaran ka sa panahong ikaw ay mapalad.
Ang panahong mapalad ka ay mula sa ika-19 ng Marso hanggang sa ika-22 ng Abril, mula sa ika-17 ng Hulyo hanggang sa ika-28 ng Agosto, at mula sa ika-19 ng Nobyembre hanggang sa ika-28 ng Disyembre.
At kapag bigla kang sinuwerte at nagkaroon ng limpak-limpak na kayamanan, tanggalin mo na sa isip mo ang maling nakalakihan na hindi madadala sa hukay ang kayamanan. Bagama’t hindi may katotohanan ito, dapat mo pa ring sinupin at mahalin ang kayamanang ito.
Piliting lalo pang maparami ang kayamanan mo dahil hindi nadadala sa hukay ang yaman, subalit maaari mo naman itong maipamana sa iyong pamilya. Sa iyong pagpanaw, paparangalan ka ng iyong angkan at sasabihin ng iyong mga apo sa tuhod, “Salamat kay lola dahil nagpayaman siya nang husto, mayaman at marami rin tayong mga ari-arian ngayon. At ang mga ari-ariang ito o mga salaping nakalagak sa bangko ay may katumbas na security at peace of mind.”




Comments