Daming pera para sa proyekto, wa' pang-ayuda ang gobyerno para sa Pasko
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 18, 2022
HINDI LANG MAHIRAP, NAGMUKHANG KAWAWA ANG MGA PINOY SA NATIONAL ID NA GAWA SA PAPEL —May mga netizens na nag-post sa social media na natanggap na ang kanilang national ID na gawa sa papel.
Grabe naman, sobrang sagad na ba ang budget ng pamahalaan para hindi makabili ng mas matinong materyales sa national ID?
Aba, hindi lang pinatunayan ng gobyerno na mahirap ang ating bansa, pinagmukha pa nitong kawawa ang mga Pinoy dahil 'cheap' ang materyales ng national ID nito.
◘◘◘
DAMI NG PERA NA HAHAWAKAN NG MGA TRAPO, TAPOS PAGTITIPIRIN NILA ANG PANG-NOCHE BUENA NG MAMAMAYAN—Isang araw matapos aprubahan ng 279 kongresista ang panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na popondohan ng pamahalaan ng P275 bilyon, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ang higit P5.2 trilyong national budget para sa 2023, at sa budget na ito ay nakapaloob ang confidential funds at pork barrel ng mga trapo.
Isipin mo, napakaraming pera ang hahawakan ng pamahalaan, tapos kung diktahan nila ang mamamayan na magtipid sa Noche Buena ay akala mo naman simot ang kaban para wala silang maipang-ayuda.
◘◘◘
SALUDO ANG PUBLIKO SA ANIM NA CONG. NA KONTRA SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND—Anim na kongresista, sina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman, Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado, Basilan Rep. Mujiv Hataman, ACT Teachers partylist Rep. France Castro, Gabriela Women's partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel ang kumontra sa Maharlika Investment Fund dahil sa paniwalang ma-scam ang P275-B na ipopondo rito, kaya lang ay talo sila sa botohan kasi 279 trapong kongresista ang bumoto pabor sa MIF.
Para sa anim na kongresista, saludo kami sa inyong paninindigan para sa kapakanan ng mamamayan.
Samantala, para sa 297 na suportado ang naturang investment ay tatandaan namin kayo.
May espasyo ang aming listahan para sa mga dapat ibasura sa mga susunod na halalan.
◘◘◘
IMBES NA SOLUSYUNAN ANG MATAAS NA PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN, PINAHIRAPAN PA ANG MAMAMAYAN SA DAGDAG-BUTAW SA SSS—Kinumpirma ni SSS President Michael Regino na mula sa dating 13% ay magiging 14% na ang buwanang butaw ng mga miyembro ng SSS.
'Yan ang hirap sa gobyerno, imbes na kung paraan paano mapapababa ang presyo ng mga bilihin at bayarin, eh, daragdagan pa ang pahirap sa mamamayan sa pamamagitan ng dagdag-butaw sa SSS.





Comments