Daming nakukumpiskang puslit na produkto pero walang nananagot, anyare?
- BULGAR
- Jan 8, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 8, 2023
Sa gitna ng kaliwa’t kanang pagkumpiska ng mga smuggled products, hinihikayat ng mga senador ang administrasyong Marcos na habulin ang mga bigtime agri-smugglers.
Ito ay dahil wala umanong nahuhuling bigtime smugglers, kaya hindi nababawasan o natitigil ang ilegal na pag-aangkat ng mga produkto.
Gayunman, matatandaang nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee of the Whole hinggil sa naturang isyu noong nakaraang taon, kung saan lumabas sa ulat na ang pagkakasangkot ng ilang indibidwal sa malakihang pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura.
Binigyang-diin ng ilang senador na malaki ang itinaas ng presyo ng iba’t ibang produkto ng agrikultura dahil sa kaliwa’t kanang pagpupuslit ng agri products sa bansa.
At bukod sa nakikipagkumpitensya sa lokal na produkto ang mga ito, humihina rin ang productivity ng mga magsasaka at lugi ang gobyerno dahil sa mga hindi nababayarang buwis, bagay na hadlang sa paglago ng ekonomiya.
Base sa datos ng Department of Agriculture (DA), sa pagitan ng 2019 at 2022, humigit-kumulang P667.5 milyong halaga ng agriculture at fishery products ang naipuslit sa bansa.
Sa totoo lang, nakakapagtaka na sa dami ng nahuhuling puslit na mga produkto, bakit walang nananagot? Hindi tuloy mawala sa isip ng taumbayan kung may mga nagpoprotekta ba sa mga ito o ang mga nakaupo mismo ang sangkot dito?
Kaya naman, hamon natin sa gobyerno, iprayoridad ang paghahabol sa mga kriminal na ito. Patunayan ninyong may ngipin ang batas at handa tayong mapanagot ang mga nananabotahe sa sektor ng agrikultura at ekonomiya.
Isa lang ang solusyon para matigil ang gawaing ito — panahon na para tutukan at habulin ng gobyerno ang mga big time smugglers.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments