Dalagang todo-asang babalikan ng manlolokong ex, iba ang makakatuluyan
- BULGAR
- Nov 24, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 24, 2021
Dear Maestro,
Ngayon lang ako naniniwala na totoo ang sinasabi mong nakatakda ang kapalaran.
Dahil nang maging boyfriend ko si Art, andami kong isinakripisyo para sa kanya — ang aking pag-aaral, oras, pera at maging ang mga magulang ko ay nakakasagutan ko para lang maipagtanggol ko ang pag-iibigan namin ni Art. Pero ang malungkot, Maestro, matapos ang anim na buwang relasyon namin ay unti-unting nagbago ang isip ni Art hanggang sa tuluyan kaming naghiwalay.
Napakasakit ng paghihiwalay namin dahil may third party na involved. Masakit palang matuklasan na bukod sa akin ay may isa pa siyang girlfriend, kaya naman hindi siya nahirapang makipag-break sa akin. Feeling ko ay niloko niya ako at para akong isang bagay na matapos gamitin ay itinapon at pinabayaan na lang.
Totoo rin pala ang kasabihan na kapag hindi para sa iyo ang isang bagay, kahit ano ang gawin mo ay mawawala rin ito. Maestro, gusto kong malaman kung may posibilidad pa bang magkabalikan kami? ‘Yun bang senaryo na magbabago ang isip niya at mare-realize niyang mali ang ginawa niyang pag-iwan sa akin at maiisip niyang ako ang higit at karapat-dapat niyang mahalin kaysa sa kasalukuyan niyang dyowa?
November 12, 2000 ang birthday ko habang August 19, 1999 naman si Art.
Umaasa,
Patring ng Catmon, Malabon City
Dear Patring,
Tama ang sinasabi mong kapag hindi para sa iyo ang isang bagay, anuman ang gawin mong pamimilit na mapunta sa iyo ito, hindi ito mapasasiyo. Kaya lang, nakalimutan mo rin namang isipin ang kabaligtaran ng ganitong kasabihan sa mas optimistikong pananaw, kung saan ang totoo, kapag nakatakda naman sa iyo ang isang bagay, kahit ano’ng pag-ayaw at tanggi pa ang gawin mo, sa bandang huli, ito ay kusang mapupunta sa iyo.
Ganundin sa pag-ibig, minsan, kung sino pa ang inaayawan at kinaiinisan mong tao, siya pa ang nagiging kasintahan at napapangasawa mo, samantalang ang lalaki o babae na gusto mo, sa ibang tao napupunta.
Gayunman, ayon sa zodiac sign mong Scorpio at Leo naman ang sinasabi mong lalaki, tulad ng inaasahan, malabo at hindi na kayo magkakabalikan. Habang isang lalaki na kapwa mo “water type sign” ang nakatakda mong mapangasawa at makasama habambuhay na nagtataglay ng birth date na 6, 15, 24, 3, 12, 21 o 30.
Ayon sa iyong Love Calendar, ang nasabing lalaki ay nakasuot ng pulang polo shirt sa una n’yong pagkikita na nakatakdang maganap sa taong 2022 sa buwan ng Hunyo hanggang Hulyo.
Sa panahong tinuran, may mabubuong masayang relasyon sa inyong dalawa, na sa bandang huli ay ‘yun na rin ang magiging simula ng masaya at panghabambuhay na pag-ibig na malaon nang nakatakda sa iyong kapalaran.




Comments