Dalagang swak kay bf at officemate, confused sa kanyang nararamdaman
- BULGAR
- Apr 24, 2023
- 4 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 24, 2023
Dear Maestro,
May boyfriend ako at dalawang taon na kami. May nakilala akong lalaki sa office, naging kaibigan ko siya at tingin ko ay nasa kanya na ang lahat ng katangiang hinahanap ko sa isang lalaki. Kaya lang, hindi niya naman ako nililigawan dahil may girlfriend siya.
Pero sa tuwing nag-uusap at nagkakasama kami, ramdam kong malapit kami sa isa’t isa dahil nagpapayuhan, nagkukuwentuhan at nagsasabihan ng mga problema.
Maestro, sino sa dalawang lalaking ito ang mapapangasawa at makakatuluyan ko, ‘yung boyfriend ko na isinilang noong January 2, 1997 o ang kaibigan ko na may GF, na isinilang noong September 13, 1996? Ang birthday ko naman ay May 16, 1997.
Umaasa,
Yumi ng Parang, Bagac, Bataan
Dear Yumi,
Kaya ka naguguluhan ngayon dahil pareho mong ka-compatible ang zodiac sign na Capricorn na boyfriend mo at Virgo na kaibigan mo, at ikaw naman ay isang Taurus.
Kayong Taurus, Capricorn at Virgo ay may iisang elementong tinataglay, ito ang elementong earth o lupa, kaya ganu’n na lang ang pagkaka-tugma n’yong tatlo, lalo na ang Virgo na sinasabi mong lagi mo pang nakakasama at nakakakuwentuhan.
Ngunit isipin mo kung si Capricorn na boyfriend mo ay kasamahan mo rin sa opisina ngayon at lagi mo ring nakakausap at nakakasama, tiyak na magkakaroon din kayo ng malalim na bonding.
Ganito ang kadalasang nangyayari sa mga nag-a-abroad nating kababayan. Hindi sinasadyang nakakatagpo ng ka-intimacy sa ibang bansa, dahil malayo sa asawa o sa kasintana kaya nakakagawa ng kasalanan. Habang ‘yung naiwan dito sa ‘Pinas ay maaari ring makagawa ng kasalanan kung may darating na makakabolahan niya.
Para makaiwas sa tukso, kung alam mong magiging malapit sa iyo ang isang tao at nagkataong nasa ibang bansa ang asawa mo o ikaw ang nasa malayo, umiwas ka na agad upang ‘di ka na magkasala. Sa totoo lang, madalig sabihin ang umiwas, pero mahirap gawin, lalo na kung magkalayo kayo ng asawa mo makakaramdam ka ng labis na pangungulila dahil dito na pumapasok ang napakahalagang tanong na, “Gaano mo kamahal ang kasintahan mo?” “Gaano mo siya pinapahalagahan, kung sakaling may dumating na tukso sa iyong buhay?”
Subalit kung may virtue ka ng pagtitiis, ito ay maiiwasan mo. Ano nga ba ang ibig sabihin ng virtue? ‘Yan ang assignment n’yo sa linggong ito mga giliw kong mambabasa, i-search sa Google engine o sa diksyonaryo ang ibig sabihin nito.
Samantala, Yumi, sa isang dako pa ng pag-aanalisa, isaalang-alang mo na kaya tayo nakikipagrelasyon upang mabigyan ng kahulugan ang pag-ibig na mas magandang tawaging “commitment”.
Commitment ang tawag ‘pag ‘di niyo pinabayaan ang inyong relasyon. Kahit sabihin pang magka-compatible kayo, kung milya ang agwat niyo sa isa’t isa at buwanan lang kung magkita o mag-date, kung ganito ang sitwasyon niyo, kusang mamamatay ang inyong relasyon.
Habang unti-unting namamatay ang relasyon at ‘di naaalagaan, kasabay nito ang panibagong relasyon na mabubuhay sa isang malapit na kaibigan, taong laging nakakausap, nakakasama, at sa pagkakataong ito, siya ay ka-compatible mo pa.
Rito naman pumapasok ang mas malalim pang katagang pagmamahal. Sapagkat kung mahal mo ang isang tao, kahit milya-milya ang layo n’yong dalawa, anuman ang sabihin ng ibang tao, kahit wala kang pera, sisikapin n’yong mapanatili ang commitment sa isa’t isa.
Ang regular na pagkikita ng magkasintahan ay isang tila fertilizer na magbibigay ng panibagong sigla at kulay sa isang relasyon, ngunit kung wala ito, tulad ng naipaliwanag na sa itaas, kahit ka-compatible mo ang isang tao, mamamatay din ang nasabing relasyon.
Kaya kapag na-encounter mo ang dalawang tao na pareho mong ka-compatible at itatanong mo kung sino ang posibleng makatuluyan mo sa dalawa, ang sagot ay kung sino ang madalas mong makausap at makasama, siya ang makakatuluyan mo.
Sa oras mismong ito tanungin ka ng tadhana, “Yumi, kung ikaw ang papapiliin at mag-aasawa ka na bukas o sa mismong sa araw na ito, sino ang pipiliin mo?”
Siyempre, ang pipiliin mo ay ‘yung sobrang napalapit na sa iyo dahil siya ang nagpapasaya sa iyo at palagi mong nakakasama sa ngayon.
Ang problema lang, may girlfriend din si Mr. Virgo, kaya hindi mo rin siya puwedeng piliin at sabi mo nga ay hindi ka rin niya nililigawan ngayon dahil alam niyang may boyfriend ka.
Gayunman, isa lang ang dapat mong gawin —regular kayong magkita at mag-date ng boyfriend mong Capricorn, upang manatili ang pag-ibig at hindi masayang ang commitment na pinasok n’yong dalawa.
Sa ganu’ng paraan, kung mahal mo ang iyong boyfriend at mahal ka rin niya, ito ang magiging daan upang lalong lumago at mag-init ang relasyon niyo.
Sapagkat hindi naman porke naging ka-close o nakasama mo si Mr. Virgo, siya na ang mas mahal mo kaysa sa boyfriend mo. Bagkus, ang tunay na pinahihiwatig nito, si Mr. Virgo ang isang magandang ehemplo o daan upang si Mr. Capricorn na boyfriend mo, ay makita ang kanyang mga pagkukulang sa katauhan ni Mr. Virgo.
Kung ganu’n ang mangyayari, mas magiging maligaya ang inyong relasyon ni Mr. Capricorn bilang magkasintahan, habang ang inyong relasyon ni Mr. Virgo ay mananatili bilang magkaibigan.
Sa bandang huli, ang relasyon niyo ni Mr. Capricorn ang iyong pipiliin at iyo ay mauwi sa pag-aasawa, habang ang masayang pagtitinginan naman niyo ni Mr. Virgo ay mananatili na lamang na alaala ng masayang pagkakaibigan.




Comments