top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Dalagang ‘di mapirmi, nasa pagnenegosyo, pag-a-abroad at pag-aasawa ng mayaman ang suwerte

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 12, 2023
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | May 12, 2023

Dear Maestro,


Bakit kahit gradweyt ako ng kolehiyo ay ‘di pa rin ako mapirmi ng trabaho? Nais kong umunlad at magkaroon ng kaginhawahan sa buhay. Ano ba ang dapat kong gawin para ako ay magtagumpay at umunlad?


Sa ngayon, dalawa ang pirmang ginagamit ko, alin dito ang magbibigay sa akin ng suwerte at magandang kapalaran? Hanggang ngayon ay wala pa rin akong boyfriend, kaya nais kong malaman kung ano’ng zodiac sign at birth date ang ka-compatible ko at kailan ako magkaka-boyfriend? October 14, 1996 ang birthday ko.


Umaasa,

Erika ng Bagbaguin, Santa Maria, Bulacan

Dear Erika,


Tatlong bagay ang kadalasang nagaganap sa buhay ng Taong Singko (5) na tulad mo (ang birth date mong 14 ay kinokompyut nang ganito: 1+4=5).


Una, nakakapag-asawa ng mayaman at kapag ika’y nakapag-asawa ng mayaman, tuluy-tuloy ka na ring yayaman. Puwede ring sa sandaling ikaw ay nakapag-asawa, saka pa lang magaganap ang pagyaman. Pangalawa, ang mga Taong Singko ay nakakapag-abroad at sa panahong nakapangibang-bansa, sila ay yumayaman. Ang pangatlong nangyayari sa Taong Singko, lalo na’t kapwa mo Taong Singko ang iyong napangasawa, sa walang habas na pagnenegosyo kayo yayaman.


Kaya mapapansin mo ngayon ang ganitong katotohanan, maaaring kaya hindi ka mapirmi sa trabaho ay dahil wala r’yan ang tadhana mo. Sa halip, tulad ng nasabi na, maaaring nasa pagnenegosyo, pag-a-abroad o pag-aasawa ng mayaman.


Dahil dito, tinukoy na sa itaas, kung ano ang sikreto ng iyong kapalaran, sentido-komon na ang unang maaari mong gawin upang umangat patungo sa ganap na pag-unlad ang iyong career at tuluy-tuloy ka na ring umasenso at yumaman.


Ayon sa iyong Travel Calendar, kung ngayon ay sinubukan mo nang mag-apply sa ibang bansa, tiyak na sa susunod na taong 2024 at sa edad mong 28 pataas, may mabunga at mabiyayang pag-a-abroad na itatala sa iyong kapalaran.


Samantala, hinggil sa dalawa mong lagda, dapat mo namang panatilihin ang una mong lagda na simple at walang bumabalik na guhit sa kaliwa. Sa nasabing pirma na puro patungo sa direksyong kanan ang mga stroke, mula ngayon ay tuluy-tuloy kang magtatagumpay hanggang sa unti-unti mong matupad ang lahat ng iyong mga pangarap sa buhay.


Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, ka-compatible ng zodiac sign mong Libra ang isang Aquarius, Gemini, Virgo, Aries at kapwa mo Libra, higit lalo silang isinilang sa petsang 5, 14, 23, 8, 17, 26, 9, 18, 27, 6, 15, 24, 3, 12, 21 at 30.


Kaya, Erika, sa sandaling sinunod mo ang mga rekomendasyong tinuran sa itaas, tulad ng nasabi na, sa susunod na taong 2024 at sa edad mong 28 pataas, magsisimulang gumanda ang iyong kapalaran, makakapag-abroad ka at magkakanegosyo. At kapag nagkaroon ka na ng sariling pamilya, tuluy-tuloy ka na ring yayaman nang bongga, na siya ring kapalarang itinakda sa mga taong naiimpluwensyahan ng numerong singko na nakatakdang mangyari at magsisimulang maganap ang iyong pagyaman, sa taong 2037 at sa edad mong 41 pataas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page