Dahilan kaya hirap makapag-asawa ang mga taong Nueve
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 18, 2021
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil gusto kong malaman kung kailan darating ang lalaking mamahalin ko for life. Hamakin mo, Maestro, umabot ako ng edad na 27, pero hindi ako nagka-boyfriend, samantalang maganda naman ako. Bakit ganu’n? June 18, 1994 ang birthday ko. Sana ay masagot n’yo ang katanungan ko upang malaman ko kung kailan ako magkaka-boyfriend.
Umaasa,
Alona ng San Manuel, SJDM, Bulacan
Dear Alona,
Mahihirapan kang makatagpo ng lalaking mamahalin ka habambuhay, sapagkat ang mga Taong Nueve (9) na tulad mo (ang 18 ay 1+8=9) ay masyadong mapili sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon. Ito ay pinalala pa ng pagiging Gemini mo na masyadong nag-iisip at nagkukuwenta— na sa totoo lang ay wala namang kuwenta ang kanilang tinutuos.
Hindi naman actually mapili, sa halip, naghahanap sila ng lalaki o partner na mas magaling sa kanila at walang kapintasan. Halimbawa, kung aspetong edukasyon ang pag-uusapan, ikaw ay college graduate at ang gusto mo ay mas magaling sa iyo. Kaya unconsciously, naghahanap ka ng mas magaling o matalino sa iyo. Kumbaga, mientras mas mataas ang dignidad ng iyong pagkatao, ang ibig mong mapangasawa ay ‘yung mas mataas sa iyo.
Kung sa larangan naman ng propesyon, halimbawa, ikaw ay supervisor ng isang kumpanya, hindi mo hahangaring magkaroon ng karelasyon na kapwa mo supervisor o mas mababa sa iyo ang posisyon, unconsciously, ang ta-targetin mo ay isang manager.
Ganundin sa katayuang panlipunan, kung nasa middle class ang inyong pamilya, ang papangarapin mong mapangasawa ay mas mayaman sa inyo. Halimbawa, kung ikaw ang pangkaraniwang guro, ang hahangarin mo ay isang supervisor ng inyong eskuwelahan, mismong principal o may-ari ng inyong school.
Ganu’n ang mga Taong Nueve, hindi sila mag-aasawa ng pipitsuging nilalang, sapagkat ang palagi nilang hangad o nais pakasalan ay mas magaling sa kanila.
Ito ang dahilan kaya natatagalang mag-asawa ang mga Taong Nueve, hanap sila nang hanap ng tao na mas magaling sa kanila at walang kapintasan, gayung sila ang hindi magaling at marami rin namang kapintasan na hindi na lang nila pinapansin, dahil imbes na puso o damdamin ang paganahin, utak ang kanilang pinapagana. Sa madaling dalita, mautak sila kaya sa bandang huli, uutakan din sila ng kapalaran at malamang na hindi na sila makapag-asawa habambuhay o hindi sila lubusang magiging maligaya sa pag-aasawa.
Samantala, sa sandaling hindi mo ibinaba ang pamantayan kung paano at sino ang lalaking pakakasalan at makakasama mo habambuhay, tulad ng naipaliwanag na, matatagalan ka pa bago makatagpo ng taong makakasama at hindi ka na makapag-aasawa pa.
Kaya kapag nagkaroon ka ng boyfriend na mas mababa sa iyo ang katayuan o nararamdaman mong mas magaling ka sa kanya, tulad ng inaasahan, hindi magtatagal ang inyong relasyon at magkakahiwalay din kayo. Subalit balintuna naman nito kapag ang natagpuan mong boyfriend ay mas magaling o mataas sa iyo ang katayuang panlipunan, makakasama mo siya habambuhay.
Habang, ayon sa iyong Love Calendar, nakatakdang lumutang ang lalaking mapapangasawa at makakasama mo habambuhay sa taong 2024 at sa edad mong 30 pataas, hatid ng lalaking maskulado ang pangangatawan pero kulang sa prinsipyo at kapos sa katalinuhan. Sa panahong ‘yun, hindi mo na dapat pang kontrahin ang kapalaran, makapag-aasawa ka na at magkakaroon ng simple pero panghabambuhay na pamilya.




Comments