top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Dahilan kaya ‘di dapat mawalan ng pag-asa kahit problemado

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 6, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 06, 2022


Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil noong nakaraang taon, sobrang dami ng naging problema namin ng aking pamilya. Gusto kong malaman kung sa taon bang ito ng 2022 ay matatapos na ang lahat ng problema ko? December 2, 1985 ang birthday ko.



Umaasa,


Isabel ng Bagbag, Novaliches, Quezon City

Dear Isabel,


Hindi natatapos ang mga problema dahil ang ibig sabihin ng problema ay isang pagkakataon upang umunlad at mag-mature ang isang tao, gayundin ang buong sibilisasyon.


Noong hindi pa nadidiskubre ang mina ng langis at hindi pa naiimbento ang makina na pinapatakbo ng langis, namumroblema ang mga tao dahil mabilis na nauubos ang uling na nagpapatakbo sa tren at iba pang mga sasakyan. Kasabay nito, problemado rin ang mga tao noong hindi pa naiimbento ang bakal, partikular ang steel o yero, dahil ang pangkaraniwang ginagamit na bubong ng bahay noon ay kugon, bato at iba pang dahon ng damo na madaling masira at madaling tangayin ng bagyo.


At dahil namroblema sa panggatong ang mga tao sa kanilang sasakyan, makina at tahanan, matapos matuklasan ang langis, nagawa ng mga tao na ito ay maipanggatong, at dahil sa langis, mabilis na umusad ang sibilisasyon sa isang mas kumbinyenteng pamumuhay. Sa panahon ding ito, yumaman ang negosyanteng si John D. Rockefeller dahil pinuhunanan niya si Samuel Andrews na nakaimbento kung paano ipoproseso ang “refinement of crude oil”.


Nang maimbento naman ang steel o bakal na ginamit bilang yero at haligi ng mga bahay at building na naging pamalit sa kahoy, mabilis ding yumaman at naging milyonaryo si Henry Bessemer at William Kelly dahil nakaimbento sila ng panunaw ng bakal at makina.


Sa sandaling ipinasok ang bakal sa nasabing makina, lalabas na ito bilang isang sheet ng makinis at matibay na yero. Rito nag-ugat ang malalaking kumpanya na gumagawa ng yero at bakal, ang United States Steel Corporation, Republic Steel Corporation at marami pang iba.


Sa madaling salita, kapag namumroblema ang isang tao, nag-uugat ang solusyon na kusang mapoproseso, hindi lang ang ganap na maturidad ng isang tao, bagkus, maturity patungo sa isang mas kumbinyente at maunlad na sibilisasyon.


Kaya kapag problemado ang isang ama o ina ng tahanan sa salapi, iba’t ibang mala-sining na solusyon ang naglalaro sa kanilang isipan. Kapag ipinatupad ang mga solusyong ito, kasabay ng krisis pang-ekonomiya, maraming matatalino at malikhaing indibidwal ang yumayaman.


Noong hindi pa natutuklasan ang daan o landas patungo sa tuktok ng bundok, hirap na hirap silang gumawa ng sariling daan, hanggang isang araw, may binatilyong pastol na nagsabi sa mga tao na, “Bakit hindi natin sundan ang bakas ng mga hayop sa gubat?” at nagsimulang nadiskubre ng tao ang mas madaling daan paakyat at pababa sa kabundukan.


Ganundin ang nangyari nang madiskubre ng isang Pilipinong imbentor ang plastic na ipinapalaman sa pagitan ng mga salamin ng sasakyan. Nakasakay noon ang mag-anak sa isang pribadong sasakyan nang bigla itong mabundol. Sa isang malakas na salpok, sugatan ang lahat ng miyembro ng kanyang pamilya at may nabulag pa dahil sa pira-piraosng talsik ng bubog sa mata. Naisip ng imbentor na ito na kung hindi lang nagkapira-piraso ang salamin na nasa harap ng kanilang sasakyan, sana ay wala sa kanilang nasugatan. Mula noon, isinilang ang tinatawag na plastic coated glass o wire safety glass, na pangunahing gamit sa mga sasakyan. Ito ay salaming sadyang pinalamanan ng plastic upang sa sandaling mabasag dahil sa malakas na pagkakabangga, hindi magkakapira-piraso ang bubog na kadalasang nagiging sanhi ng pagkasugat at pagkabulag sa mga pasahero.


Si Gat. Francisco Balagtas naman ang sumulat ng Florante at Laura ay namumroblema rin noong kanyang kabataan kung paano siya makapag-aaral. Kaya naisipan niyang lumuwas ng Maynila at nagpaalila sa isa sa kanyang kamag-anak bilang “alilang-kanin” (ibig sabihin, ang bayad ay pagkain lang para sa kanyang pagpapaalila). Pero dahil sa kanyang likas na talino at pagiging masikap, hindi lang nakatapos ng kursong abogasya, bagkus ay naging fiscal at huwes de paz pa si Balagtas sa lalawigan ng Bataan at bukod sa Florante at Laura, maraming katha at nobela rin siyang naisulat.


Kaya tulad ng naipaliwanag na, sa bawat problemang dumarating sa buhay ng isang tao, rito naman masusukat ang kanyang pagiging malikhain, mapamaraan at ang kalikasang gamitin ang wisyo at utak upang makadiskubre ng isang epektibong solusyon na kadalasang nagdadala, hindi lamang sa pagsikat at pagyaman ng isang indibidwal kundi sa panibagong baitang sa isang mas maunlad at kumbinyenteng sibilisasyon.


Kapag may mabigat na problema, alalahanin n’yong ito ay dakila at minsang pagkakataong dumarating sa buhay ng isang tao upang mabuksan ang isipan sa isang mas malikhain at kapaki-pakinabang na diskarte patungo sa isang mas mabunga, maligaya, kumbinyente at maunlad na pamumuhay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page