Dahil tigil-pasada, mga estudyante online classes muna, next week
ni Ryan Sison @Boses | March 4, 2023
Dahil tuloy pa rin ang ikinakasang tigil-pasada ng mga jeep at UV Express, nagdesisyon ang ilang mga eskuwelahan na muling isagawa ang online classes sa susunod na linggo.
Mula Marso 6 hanggang 12 ang inaasahang transport strike ng mga driver at operator na kasapi ng mga grupong Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela at Piston bilang pagtutol ng mga ito sa PUV modernization program ng gobyerno.
Ang mga paaralan na pansamantalang balik-online classes ay Ateneo de Manila University (ADMU), mula Marso 6 hanggang11, at sa lahat ng opisina ng unibersidad, kung saan papayagang mag-work-from-home ang kanilang mga empleyado, maliban sa iba pa na ang mga trabaho ay kailangan lamang isagawa onsite, ang De La Salle University Manila Campus, mula Marso 6 hanggang11, ay isinuspinde ang in-person classes ng mga senior high school, undergraduate, at graduate levels habang online classes din, at ang La Salle Green Hills mula naman Marso 6 hanggang10. Naglabas na rin ng memorandum ang city government ng Angeles City, Pampanga mula kay Mayor Carmelo Lazatin Jr. na suspendido ang in-person classes sa lahat ng levels sa pampubliko at pribadong paaralan mula Marso 6 hanggang 10.
Mainam ang gagawin ng pamunuan ng mga paaralan na online classes muna ang kanilang mga estudyante habang mayroong nagaganap na isang linggong tigil-pasada ng mga driver at operator.
Hindi na nga naman mapapasabak ang mga estudyante sa hirap sa pagsakay sa mga jeep at magiging relax pa sila sa kanilang mga tahanan habang tuloy lang ang kanilang pag-aaral.
Kahit na nag-anunsyo na rin ang gobyerno na magkakaroon ng mga libreng sakay ng mga araw na ‘yun, mababawasan na ang mga komyuter na posibleng ma-stranded dahil wala nang mga estudyante sa mga lansangan na naghihintay ng masasakyan.
Maglabas na rin sana ng anunsiyo ang iba pang eskuwelahan na wala munang in-person at balik-online classes ng isang linggo para makatulong sa ating mga estudyante.
At para sa dalawang panig, tapusin niyo na sana agad ang naturang usapin dahil ang totoong mahihirapan dito at labis na apektado sa hindi niyo pagkakasundo ay mga komyuter.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments