top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Dahil sa matinding konsensya, suspek sa Salilig-hazing case, nagbigti

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 5, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | March 5, 2023


Mahirap talagang maging kalaban ang ating konsensya.


Noong Pebrero 28 pa pala natagpuang patay sa Taguig City ang isa sa mga person of interest na natukoy ng pulisya sa hazing-murder case ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.


Ito ang kinumpirma ni Biñan City Chief of Police, PLTCOL. Virgilio Japio, na noong Martes pa umano nasawi ang person of interest na kinilala lamang sa alyas “Sakmal” matapos itong magbigti dahil umano sa matinding konsensya sanhi ng naganap na krimen.


Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Biñan City, Laguna Police, isa nang alumnus ang nasabing frat member at sinasabing nagmaneho sa AUV kung saan inilagay ang bangkay ni Salilig bago tuluyang inilibing sa bakanteng lote sa Imus, Cavite.


Matatandaan na una nang narekober ng pulisya ang nasabing sasakyan sa Taguig City, kasabay ng paghalughog sa bahay ng isa pang person of interest sa bisa ng search warrant habang gumugulong ang kaso ni Salilig.


Agad din itong isinailalim ng mga awtoridad sa forensic examination upang makakuha ng mga ebidensya para sa paglutas ng Salilig-hazing case.


Gayunman, pito sa mga diumano’y suspek ang inaresto at nakakulong na sa PNP custodial facility sa Biñan, Laguna at sumurender na rin ang master initiator sa pulisya.


Patuloy naman ang panawagan ng pamilya ni Salilig sa iba pang person of interest na sumuko na sa awtoridad.


Napakabigat para sa isang indibidwal na makalaban niya ang kanyang konsensya.


Matindi ang nagiging epekto nito sa kanyang pag-iisip, emosyon at pagkatao.


Marami ang nagsasabi na hindi ka patutulugin nito hanggang sa umabot ka sa puntong mababaliw at mawawala na sa katinuan.


Marahil, kung una sanang naisip ng mga grupo ng mga kabataang ito na huwag isagawa ang hazing hindi mangyayari ang karumal-dumal na krimen.


Mas magiging maganda sana ang pagsasamahan kung ang iisipin ng bawat isa ay makabubuti para sa kanilang kapwa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page