Dahil sa kaliwa't kanang banat — Roque... Bawas-distansiya sa public transpo, rerebyuhin
- BULGAR

- Sep 15, 2020
- 1 min read
ni Mylene Alfonso | September 15, 2020

Dahil sa kaliwa't kanang batikos, nakatakdang rebyuhin ng COVID-19 task force ang pagbabawas sa physical distance sa mga pampublikong sasakyan matapos na magbabala ang mga medical experts na maaaring maging sanhi ito ng paglobo ng COVID-19 cases sa bansa.
“’Yung pagbabawas ng space o espasyo between passengers, inaprubahan po ‘yan ng IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) dahil hindi natin mabubuksan ang ekonomiya kung hindi po natin dadagdagan ‘yung ating transportasyon,” punto ni Presidential Spokesman Harry Roque sa online briefing.
"Pero siyempre po, hindi naman tayo magbibingi-bingihan sa mga opinyon ng ating mga medical frontliners. Bubuksan po uli ang usapin tungkol dito bukas po, sa susunod na meeting ng IATF,” ani Roque.
Matatandaang binawasan ng Department of Transportation ang physical distancing rule na mula sa isang metro ay ginawang 0.75 metro upang tulungan na makarekober ang sektor ng pampublikong transportasyon mula sa ipinatupad na lockdown measures.
"In fact, sa resolution itself, wala pong nakalagay kung ano iyong mga distancing requirements kaya doon sa release na ginawa ko po ay wala rin po ‘no. Pero since DOTr stated kung ano iyong mga bagong spaces in between, nagkaroon po ng mga observations ang mga medical frontliners na hindi naman po pupuwedeng isantabi. So, pakikinggan po natin sila bukas," paliwanag ng kalihim.
Nabatid na sa darating na Setyembre 28, ibababa pa sa 0.5-metro ang distansiya at sa Oktubre 12 ay 0.3-metro na lamang upang mapataas ang bilang ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.





Comments