Dahil ‘di kayang ibalik ang murang bigas sa merkado NFA, WA’ ‘WENTA, BUWAGIN NA!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 28, 2023
SAKIT SA ULO NI P-BBM ANG HIGIT P12 TRILYONG UTANG NA INIWAN NI EX-P-DUTERTE—Nang bumaba sa puwesto noong Hunyo 30, 2016, nag-iwan si former Pres. Noynoy Aquino ng sobrang P1 trilyon budget sa administrasyon nang pumalit sa kanya si ex-P-Duterte. Nang bumaba naman sa puwesto si ex-P-Duterte noong Hunyo 30, 2022, higit P12 trilyon ang iniwan nito sa administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos, pero ito ay hindi sobrang budget kundi utang.
‘Yan ang nagpapasakit sa ulo ngayon ni P-BBM, kung paano babayaran ang napakalaking utang ng Pilipinas na iniwan sa kanya ni ex-P-Duterte. Boom!
◘◘◘
BUWAGIN ANG NFA—Hanggang ngayon ay wala pa ring mabiling murang National Food Authority (NFA) rice na P27 hanggang P32 per kilo ang mahihirap nating kababayan.
Kung ganyan na wala nang kakayahan ang NFA na ibalik sa merkado ang NFA rice, aba’y dapat buwagin na ni P-BBM ang ahensyang ito dahil wala na pala itong silbi, at sayang lang ang ipinapasahod ng taumbayan sa mga taga-NFA, period!
◘◘◘
PRIVATE CITIZEN NA SI EX-P-DUTERTE, KAYA ‘DI DAPAT GUMASTOS ANG GOBYERNO PARA IPAGTANGGOL SIYA SA ICC—Inanunsyo ni Solicitor General (SolGen) Menardo Guevarra na inupahan nila ang serbisyo ni London-based international lawyer Sarah Bafadhel para ipagtanggol si ex-P-Duterte sa kinakaharap nitong kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC) na may kinalaman sa libu-libong mamamayang biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa Pilipinas.
Aba teka, hindi naman Philippine government ang may kaso sa ICC kundi si ex-P-Duterte. At dahil ex-President siya, isa na siyang ganap na private citizen, kaya hindi na dapat gumastos ang pamahalaan para ipagtanggol sa kaso ang dating Presidente. Boom!
◘◘◘
CONG. TEVES, MAY PA-ONLINE SABONG NA, MAY PA-STL-CON JUETENG PA!—Bukod sa online sabong, si Negros Oriental Rep. Arnie Teves din daw ang may kontrol sa operasyon ng Small Town Lottery (STL)-con jueteng sa buong Negros region.
Dahil d’yan, lumalabas na kaya lang pala nag-congressman si Teves ay para magpalaganap ng mga raket na pasugalan sa Negros region. Pwe ka!





Comments