Dagdag-sahod, good news sa mga OFW sa Taiwan
- BULGAR
- Sep 16, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 16, 2023
Nasa mahigit 100,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang kasamang makikinabang sa pag-apruba kamakailan ng minimum wage increase ng gobyerno ng Taiwan.
Sa pahayag ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) nitong Huwebes, inaprubahan ng Taiwanese government ang 4.05% increase sa monthly minimum wage para sa lahat ng industrial sector workers na epektibo sa January 1, 2024.
Ayon kay MECO Chairman Silvestre Bello III, noong Setyembre 13, 2023, inihayag ng Taiwan ministry of labor na inaprubahan ng Cabinet ang kanilang iminungkahing pagtaas sa monthly minimum wage na epektibo sa susunod na taon.
Sinabi ni Bello na kasama sa mga makikinabang dito ang 124,265 Filipino factory workers sa Taiwan.
Gayunman, hindi umano kasama sa wage hike ang mga live-in migrant caregivers at household service workers dahil hindi ito sakop ng Taiwan Labor Standards Act.
Sa ilalim ng inaprubahang wage increase, ang monthly minimum pay ay magiging New Taiwan (NT) $27,470 mula sa kasalukuyang NT$26,400, habang ang basic hourly rate ay itataas mula NT$176 hanggang NT$183.
Pahayag din ng opisyal na ang mga Pilipino na iha-hire sa Taiwan hanggang Disyembre 31 ngayong taon ay entitled din sa bagong wage rates. Ito na ang ika-8 sunod na taon na nagpatupad ng taas-sahod sa mga minimum wage earners ang Taiwan mula noong 2016.
Diin pa ni Bello na hiniling ng Taiwan Labor Ministry ang dagdag-sahod upang matulungan ang mga manggagawa sa industrial sector na makaagapay sa pagtaas ng inflation at napakamahal na halaga ng mga pangunahing bilihin doon.
Aabot sa tinatayang 154,000 ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa.
Good news para sa mga kababayang OFWs na nasa Taiwan dahil sa ipapatupad na taas-sahod sa mga manggagawa.
Malaking pakinabang ito hindi lamang sa kanila kundi maging sa kanilang mga pamilya.
At dahil sa pagdagdag sa kita ng mga manggagawa roon ay siguradong magpapalakas ito sa kanila at lalong silang magiging produktibo. Hindi rin nila kailangang magtipid dahil makakapaglaan pa para sa mga pangunahing pangangailangan doon ang mga marginal workers habang patuloy ang paglago ng kanilang ekonomiya.
Hiling natin sa kinauukulan na patuloy na suportahan ang ating mga OFWs na may malaking ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments