Dagdag-pondo sa national athlete, mas maraming ginto — Roque
- BULGAR

- Jul 27, 2021
- 2 min read
ni Lolet Abania | July 27, 2021

Aminado ang Palasyo na ang mga national team athletes ay hindi nakatatanggap ng sapat na halaga ng pinansiyal na suporta. Ito ang naging tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque isang araw matapos na si Hidilyn Diaz ay magwagi ng unang Olympic gold medal para sa 'Pinas sa weightlifting 55 kilogram division sa Tokyo, Japan.
“Kulang po talaga, parang minimum wage nga lang po ang allowance ng ating mga atleta. Titingnan natin kung paano mababago ito,” ani Roque. “Titingnan natin paano maitataas ang nakukuha nilang allowance at iba pang benepisyo as members of national team. Kung napakaliit at kulang ay nanalo pa rin, mas marami nang mananalo ng ginto kung maibibigay natin ang sapat na benepisyo,” dagdag ng kalihim.
Matatandaang noong Hunyo 2019, humingi ng financial assistance si Diaz mula sa private sector para sa kanyang laban na makuha ang Olympic gold medal, kung saan ang mga gastusin ay nagbigay din ng pasanin sa kanya.
Ayon kay Diaz nang panahong iyon, ang humingi ng tulong-pinansiyal sa labas ng gobyerno ay nakakahiya subalit aniya, kinakailangan niya itong gawin dahil sa pagnanais niyang makamit ang Olympic gold medal.
Samantala, tiniyak ni Roque sa publiko na matatanggap ni Diaz ang karapat-dapat para sa kanyang natatanging laban at pagkapanalo, kung saan mahigit sa P33 milyon reward ang ibibigay matapos magwagi ang bansa ng unang Olympic gold medal simula nang sumali sa Olympiad noong 1924.
“Kung anuman ang kakulangan sa training, I am sure mababawi sa generosity ng pamahalaan at ng private sector because she truly deserves it and made us proud,” sabi ni Roque. “Ang tagumpay ni Hidilyn ay tagumpay ng lahat ng Pilipino,” pahayag pa ng kalihim.





Comments