Dagdag-classroom sa mga paaralan, kailangan na ngayon
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 1, 2022
Upang matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa, pinag-aaralan natin ngayon ang paghahain ng panukalang batas na magpapahintulot ng pagpapatayo ng school buildings na may mahigit apat na palapag.
Mayroon kasing regulasyon kung saan hanggang pang-apat na palapag lamang ang kailangang ipatayong mga silid-aralan upang hindi mahirapang umakyat ang mga mag-aaral sa mga gusaling mas mataas pa. Ngunit kung makakapaglagay tayo ng mga elevator o iba pang kagamitan upang iakyat ang mga mag-aaral sa ika-lima o ika-anim na palapag, matutugunan ang problema sa kakulangan ng mga classrooms, lalo na sa mga siyudad.
Nais nating bigyang-diin dito ang kakulangan ng mga silid-aralan noong magbukas ang School Year 2022-2023, kung saan nagbalik na sa kanilang mga eskwelahan ang mahigit 28.7 milyong mag-aaral sa bansa.
Ayon sa Department of Education (DepEd) kakailanganin nila ang mahigit 86.5 na bilyong piso para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa taong 2023.
Bukod dito, hamon din para sa pamahalaan ang pagpapatayo ng mga classrooms sa urban areas dahil masyadong mahal ang lupa. Sa mga rural areas naman, mas marami ang lupa na maaaring mapagtayuan ng mga silid-aralan.
Bagama’t umaabot lamang sa 20 hanggang 30 ang bilang ng mag-aaral sa mga probinsya at mga rural areas, sa urban areas naman ay matagal nang suliranin ang overcrowding kung saan umaabot sa 50 hanggang 60 ang bilang ng mga mag-aaral.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay isa ito sa ating mga panukalang tinututukan para sa mas ikabubuti ng sistema sa mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments