Dagdag-buwis sa chichirya, panibagong pasanin sa mga mahihirap
ni Ryan Sison @Boses | July 4, 2023
Iminungkahi ni Senator Raffy Tulfo na dapat magpataw ng karagdagang buwis ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga luxury items at cosmetics sa halip na junk food.
Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na ang mga nasa sektor ng poorest of the poor ay lubos na umaasa sa abot-kayang pagkain, na itinuturing nilang necessity sa halip na luxury, para mabuhay.
Binanggit din niya na ang mga mahihirap ay ginagawa pang ulam ang chichirya.
Naniniwala si Tulfo na ang pagpapataw ng karagdagang buwis sa mga murang pagkain ay mag-aalis ng kakayahan para sa mga mahihirap na mapunan ang kanilang kumakalam na sikmura.
Sa halip, hiniling ni Tulfo na ibaling ng BIR ang kanilang atensyon sa mga luxury items, tulad ng food supplements, protein bars, energy bars, slimming drinks, at cosmetic products.
Sinabi ng mambabatas na naniniwala siyang ang mga food supplement at cosmetic products ay mabibili pa rin ng mga middle income earners anuman ang presyo.
Sa kabilang banda, sinabi ni Tulfo na dapat himukin ng Department of Health (DOH) ang mga manufacturer na bawasan ang sodium content ng mga packaged food.
Ito aniya ay mas magandang alternatibo dahil ang pag-aapruba ng BIR sa proposed tax measure ay madi-discourage umano ang mga consumer na bumili ng junk foods, na anila ay maaaring humantong sa obesity at diabetes.
Giit pa ni Tulfo, ang mga manufacturers ng Singapore ay nakahanap ng low sodium substitute para sa processed food product nang hindi gaanong naaapektuhan ang lasa.
Sa totoo lang, dagdag-pasanin pa para sa mga mahihirap kung pati chichirya ay papatawan ng buwis. Ang masaklap, ito lang halos ang abot-kayang bilhin ng mga mahihirap nating kababayan tapos pagdidiskitahan dahil sa dagdag na buwis.
Nasaan na ang pangakong wala nang Pilipino ang magugutom at maghihirap? Sa ginagawa nilang ito, tila pinapaasa at pinapasan na naman ang bigat na ito ng taumbayan.
Kung nais nilang mapabuti ang buhay ng mga mamamayan, huwag na nilang pakialaman ang mga murang bilihin na siyang bumubuhay sa mga mahihirap.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments