- BULGAR
Dagdag-bayad sa mga poll workers, ibigay!
ni Ryan Sison - @Boses | May 12, 2022
Humihirit ng karagdagang bayad para sa mga poll workers ang isang grupo ng mga guro sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ay matapos umanong mapilitang mag-overtime ang mga poll workers dahil sa mga palpak na vote-counting machines (VCMs) noong Mayo 9.
Matatandaang kinumpirma ng Comelec na mahigit 1,800 VCMs ang dumaan sa iba’t ibang aberya na nagresulta sa pagkaantala ng botohan sa ilang lugar.
Giit ni Alliance of Concerned Teachers (ACT) secretary general Raymond Basilio, kailangang magsikap ng poll body at pamahalaan upang mabigyan ng hustisya ang sakripisyo at pagod ng mga miyembro ng electoral board na pawang mga guro.
Base sa mga ulat, may ilang guro na napilitang mag-duty nang 24 oras sa halalan, habang may guro ring nawalan ng malay matapos masobrahan ng hirap sa pagtatrabaho.
Una nang inaprubahan ng Comelec na taasan ang honoraria ng poll workers sa halalan ngayong taon dahil inaasahang mas mahaba ang kanilang gagawing pagsisilbi sa halalan dulot ng COVID-19.
Higit sa 647,000 teaching at non-teaching personnel mula sa DepEd ang inatasang magsilbi sa eleksyon ngayong taon.
Bukod sa mga botanteng inabot nang ilang oras sa pila, batid nating pagod din ang mga kumayod para maitaguyod ang halalan, lalo na ang mga poll watcher at guro na nagsilbing board of elections inspectors (BEIs).
Sila ang higit na namroblema at tumugon sa mga reklamo ng mga botante dahil sa kapalpakan ng ilang VCMs at ilan pang mga problema, kaya sa totoo lang, may “K” silang humirit ng dagdag-sahod.
Malaki ang naitulong nila upang maitawid natin ang halalan, kaya ibigay natin ang dapat ibigay bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co