Dadaan sa EDSA, magbaon ng mahabang pasensya
- BULGAR
- Aug 7, 2023
- 1 min read
@Editorial | August 7, 2023
Nagpapatuloy ang “one-time, big-time road repairs” sa EDSA.
Ngayong araw ng Lunes ay inaasahang mas mararamdaman ng mga motorista ang mabigat na trapiko. Kung saan, apektado ang hindi bababa sa 15 bahagi ng EDSA.
Sinimulan ang reblocking noong Agosto 4 na inaasahang matatapos hanggang madaling-araw ng Agosto 10.
Una nang nag-abiso ang mga awtoridad na gumamit ng mga alternatibong ruta katulad ng Mabuhay lanes at Skyway.
Payo naman sa mga komyuter, gumamit muna ng MRT-3.
Napag-alam na pinaayos ang ilang bahagi ng highway at naglatag ng aspalto sa EDSA bus carousel lane sa mga nasabing araw bilang paghahanda sa FIBA Basketball World Cup mula Agosto hanggang Setyembre. Ang hirit tuloy ng mga motorista, kung hindi pa magkakaroon ng ganitong event ay hindi pa maiisipang ayusin ang EDSA.
Sa totoo lang, matagal nang problema ang mga sirang kalsada at hindi lang sa EDSA kundi maging sa iba pang lugar partikular sa Metro Manila.
Minsan mapapatanong na lang tayo, ano ba talaga ang problema, ‘yung kalsada o silang mga nagpapagawa? Wala bang paraan na magiging mas matibay at pangmatagalan ang mga kalsada?
Hindi ‘yung konting ulan, naglulubakan. May dumaan lang na malalaking sasakyan, basag. Kung may sapat namang pondo na inilalaan ang gobyerno, bakit parang palpak ang resulta ng proyekto?
Bakit paulit-ulit ang problema?
Kaya hamon sa kinauukulan, lalo na sa susunod na taon na mas malaki ang pondo, baka naman pwedeng iangat-angat ang kalidad ng ating kalsada para maging mas mabilis ang trapiko at maging paahon ang ekonomiya.



Comments