DA, binigyan pa ng kakumpetensya ang mga magsasaka ng sibuyas
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Enero 14, 2023
SINONG DA OFFICIALS ANG MALILINTIKAN SA OMBUDSMAN?—Sa panimulang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman, natuklasan nito na ang ibinebenta palang sibuyas na P170 per kilo sa mga Kadiwa store ay binili ng Department of Agriculture (DA) sa Bonena Multi-Purpose Cooperative sa halagang P537 per kilo.
Kitang-kita may anomalyang naganap kasi halos triple ang presyong ibinayad sa kooperatiba sa per kilo ng sibuyas na ibinebenta sa mga Kadiwa store.
Sino kaya sa mga opisyal ng DA, na may konek sa kooperatibang ang malilintikan sa Ombudsman?
◘◘◘
GALIT ANG MGA MAGSASAKA SA PAG-I-IMPORT NG SIBUYAS—Dahil sa plano ng DA na mag-import ng sibuyas, umuusok ngayon sa galit ang mga magsasaka ng sibuyas.
Natural, pagkakataon na nga naman nilang kumita para maibenta ang mga aanihing sibuyas, tapos bibigyan sila ng kakumpetensya ng DA?
◘◘◘
HINDI LANG PULIS NA SANGKOT SA DROGA ANG DAPAT MASIBAK, KUNDI PATI CONG. NA MAY PORK BARREL—Suportado ng ilang kongresista ang panawagan ni Interior Sec. Benhur Abalos sa pulisya na may ranggong colonel hanggang general na mag-resign para matanggal na ang mga police officials na sangkot sa kalakaran ng droga sa bansa at malinis ang kapulisan sa mata ng publiko.
Para patas, sana ang mga kongresista na mapatutunayang may pork barrel ay tanggalin din sa serbisyo nang sa gayun ay malinis din sila sa mata ng publiko.





Comments