Customs Comm. Rubio, kailan magpapakitang-gilas vs. smugglers?!
- BULGAR
- Mar 9, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 9, 2023
P-BBM, NAKISIMPATYA SA HINAING NG MGA TSUPER AT OPERATORS, PERO SI VP SARA AY HINDI, ANG SAKIT PA SA TAINGA NG STATEMENT—Sa kasagsagan ng tigil-pasada ng mga tsuper at operators ng traditional jeep at UV express bilang protesta sa planong phaseout ng pamahalaan sa kanilang mga sasakyan, nagpakita ng simpatya sa kanila si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at handa raw niyang harapin at dinggin ang hinaing ng iba’t ibang transport groups.
Ang gandang pakinggan ang statement ni P-BBM, pero ang sinabi ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, aba, ang sakit sa tainga na kesyo mga komunista raw ang mga nakiisa sa transport strike.
Tsk!
◘◘◘
‘PAG IPINILIT ANG CHINA-MADE MODERN JEEPNEY, BAKA MAY GUSTONG KUMITA—Ang nais ng mga tsuper at operators ng traditional jeep ay pautangin sila ng pamahalaan para mapaganda ang kanilang mga pampasaherong jeep at kung ang nais naman ng gobyerno ay bago, dapat daw ay ang mga jeep na gawang Pinoy na worth P1.3 million ang ipautang sa kanila at hindi ang P2.4 M modern jeep na gawang China.
Kapag tumanggi ang gobyerno sa mga kahilingang ito ng mga tsuper at operators, at ipagpipilitan ang gawang China na modern jeep, isa lang ang ibig sabihin niyan, may mga gov’t officials na gustong kumita sa milyun-milyong halaga ng China made jeep. Boom!
◘◘◘
SA PANAHON NI P-BBM, ANG MGA TSUPER AT OPERATOR NG JEEP AY NAKAPASOK SA MALACAÑANG, PERO KAY EX-P-DUTERTE, ‘DI SILA PINAPASOK—Tinapos na ng mga tsuper at operators ng jeep na kasapi ng Manibela at Piston transport organizations ang kanilang tigil-pasada nang may mga makausap silang opisyal ng pamahalaan sa Malacañang na nagsabing diringgin ang kanilang hinaing.
Buti pa ang Marcos administration ay nagpapakita ng malasakit sa mga tsuper at operators ng traditional jeep at pinapapasok sila sa Palasyo para sa isang dayalogo.
Pero noong Duterte administration ay walang ipinakitang malasakit, hindi man lang pinapasok sa Malacañang ang mga ito para dinggin ang kanilang mga hinaing, period!
◘◘◘
KAILAN MAGPAPAKITANG-GILAS SI CUSTOMS COMM. RUBIO LABAN SA SANGKATERBANG SMUGGLERS?—Hindi lang mga agri-smuggling nina ‘Leah Cruz,’ ‘Michael Yang,’ ‘David Bangayan,’ ‘Paul Teves,’ ‘Manuel Tan,’ ‘Andrew Chang,’ ‘Jun Diamante,’ ‘Lujene Ang,’ ‘Beverly Peres,’ ‘Lucio Lim’ alyas ‘Aaron’ at ‘Michael Ma’ na may koneksyon kay Martin Araneta na utol ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang namamayagpag sa Customs kundi pati ang smuggling ng ukay-ukay, plastic resins at electronics nina alyas ‘Joel T.’ ‘Tina Uy,’ ‘Big Mama’ at ‘Kimberly.’
Kailan kaya magpapakitang-gilas si Customs Commissioner Bienvenido Rubio laban sa sangkaterbang smuggler na ito sa Adwana? Abangan!





Comments