top of page

Customized exam ng LTO vs. road rage

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2023
  • 3 min read

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | September 26, 2023


Pinaplano ng Land Transportation Office (LTO) na baguhin ang examination na ibinibigay sa mga nais kumuha ng driver’s license depende kung saan gagamitin at kung anong sasakyan ang paggagamitan.


Nais ng pamunuan ng LTO na magbuo ng ‘customized’ set of questions na hindi pa rin mawawala ang intensyon ng naturang eksaminasyon hinggil sa adhikaing mapabuti ang tamang pagmamaneho partikular sa road safety.


Niluluto pa lamang ang planong ito ng LTO at inaasahang matatalakay ang proposal na ito sa mga susunod nilang conference na sana ay magbunga ng positibong resulta upang kahit paano ay magkaroon ng pagbabago sa naturang ahensya.


Pumasok ang ideya sa pamunuan ng LTO hinggil sa planong ‘customized’ set of questions matapos ang sunud-sunod na insidente ng road rage na kamakailan lamang ay nag-viral sa social media.


Sabi ni LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza, ang lahat ng planong ito ay nasa gitna pa lamang ng pag-aaral at wala pang pinal na desisyon ngunit hindi umano sila kumporme sa napakahabang eksaminasyon na ibinibigay sa mga nais kumuha ng driver’s license.


Ang kagandahan sa bagong pamunuan ng LTO ay tanggap nilang kailangan nila ng konkretong plano upang matugunan ang road rage at nakahanda sila sa anumang suhestiyon sa halip na makipagtalo para maibsan ang problema.


Ikinukonsidera rin ng LTO ang kahalagahan ng pagbalanse sa pagitan ng customization at efficiency upang matiyak na ang pagproseso sa pagkuha ng lisensya ay mananatiling mabilis at parehas sa lahat ng kuwalipikadong aplikante.


Ang ideya sa likod ng panukalang pagbabago sa eksaminasyon ay upang matiyak na ang ibibigay na pagsusulit ay nakalinya o patungkol mismo sa pangangailangan ng isang aplikante hinggil sa kanyang pagmamaneho at iba pang intensyon.


Sa ilalim umano ng customized set of questions ay maa-assess ng LTO ang kaalaman at kahusayan ng isang aplikante kung karapat-dapat ba itong bigyan ng linsensya na ayon o akma sa kanyang kapasidad bilang driver.


Halimbawa, kung ang isang aplikante ay planong magmaneho ng motorsiklo, ang lahat ng tanong na lalabas sa eksaminasyon ay patungkol sa motorcycle safety, handling and traffic rules na lahat ay patungkol lamang sa motorsiklo.


Ganu’n din, kung ang isang aplikante ay nais magmaneho ng commercial vehicle, ang mga lalabas na tanong ay iniakma rin upang ma-assess ang kanilang kaalaman at pagkakaintindi hinggil sa commercial driving regulations at responsibilities.


Sa ngayon kasi ay pare-pareho lang ang mga ibinibigay na eksaminasyon sa lahat ng nais na kumuha ng driver’s license at panibagong exam na naman sakaling nais magdagdag ng level ng restrictions o kaya ay nais na mula non-professional ay maging professional.


Sa totoo lang ay napakaganda ng panukalang ito ng LTO at kung maisasakatuparan ang mga planong ito ay lubhang magiging lalong mahalaga ang lisensya sa bawat driver dahil sa hindi na basta-basta makakakuha nito.


Hindi man tahasang masusugpo ng LTO ang karahasan sa kalsada partikular ang road rage dahil sa paghihigpit sa pagbabago sa eksaminasyon ay malaking tulong ito para pahalagahan ng isang driver ang kanyang lisensya.


Isa pa sa isinusulong ng LTO ang pagbuo ng special law hinggil sa pagtukoy at pagbibigay ng karampatang parusa para sa isang insidente ng road rage dahil ang kasalukuyang batas umano ay nililimitahan ang kakayahan ng LTO na magpataw ng mas mabigat na parusa para sa mga masasangkot.


Nais ng LTO na magkaroon ng partikular na batas upang mabilis silang makapagpataw ng kaukulang parusa lalo na kung may nasaktan, nasugatan o nasawi sa isang insidente ng road rage.


Hindi natin alam kung ano ang kahihinatnan ng mga planong ito ng LTO ngunit nakatutuwang malaman na ang isang ahensya na dating batbat ng anomalya ay unti-unting nang kumikilos hinggil sa kapakanan ng ating mga driver.


Sana, masugpo na rin ng bagong pamunuan ng LTO ang matinding ‘lagayan’ na kinasasangkutan ng ilang ‘fixer’ na kasabwat ng ilang tiwaling empleyado para makakuha ng driver’s license na hindi na dadaan sa eksaminasyon at walang kahirap-hirap.


Kung wala na ang mga anomalyang ito ay tiyak na babait ang maraming driver sa lansangan partikular ang mga mayayaman na hindi takot mawalan ng lisensya dahil marami silang kakamping ‘fixer’ umano sa LTO kapalit ng kanilang pera.


Good luck sa LTO, sana maging matagumpay kayo!

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page