ni Anthony Servinio @Sports | February 12, 2024
Bumira si Stephen Curry ng three-points mula 32 talampakan at dalawang segundo sa orasan upang itulak ang Golden State Warriors laban sa bisita Phoenix Suns, 113-112 sa NBA kahapon sa Chase Center. Nagpasikat din si Luka Doncic sa malaking 146-111 tagumpay ng Dallas Mavericks sa bigating Oklahoma City Thunder.
Saglit ibinalik ng shoot ni Devin Booker ang lamang sa Suns at 35 segundong nalalabi, 112-110, bago namayani si Curry at umangat ang depensa ng Warriors upang mapreserba ang resulta. Nagtapos na may siyam na tres si Curry para sa 30 puntos at pumantay na ang kanilang kartada sa 25-25 sabay putol sa tatlong sunod na panalo ng Phoenix na lumubog sa 31-22.
Namayagpag si Doncic para sa 32 puntos at sinundan ni Kyrie Irving na may 25 at limang iba pang kakampi na may 10 o higit na ambag. Biglang nagbukas ang pinto para kay Doncic na makamit ang kanyang unang MVP matapos operahan sa tuhod ang kasalukuyang MVP Joel Embiid ng Philadelphia 76ers na tinatayang apat na linggo mawawala.
Ayon sa bagong patakaran ng liga, ang mga kandidato para MVP ay dapat maglaro ng hindi bababa ng 65 beses at sa dami ng iniliban ni Embiid ngayong taon ay hindi niya maaabot ito. Habang nagpapagaling ay nagawa ng kanyang mga kakampi na maukit ang 119-113 panalo sa Washington Wizards sa likod ng 28 ni 2024 All-Star Tyrese Maxey.
Sumandal sa balanseng atake ang Cleveland Cavaliers upang masugpo ang Toronto Raptors, 119-95, ang kanilang ika-siyam na sunod at lumakas ang kapit sa pangalawang puwesto sa Eastern Conference sa 35-16 panalo-talo. Ang buong first five at tatlong reserba ng Cavs ay nagtala ng 11 o higit na puntos sa pamumuno ni sentro Jarrett Allen na may 18 at 15 rebound.
Comentários