Curry at Poole, sumiklab sa Game 1 Playoff Opener
- BULGAR
- Apr 18, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 18, 2022

Bumalik sa aksyon si Stephen Curry at naghatid ng inspirasyon sa Golden State Warriors nang talunin ang bisitang Denver Nuggets, 123-107, sa Game 1 ng kanilang seryeng best-of-seven sa unang araw ng NBA Playoffs kahapon sa Chase Center. Ipinamalas din ng Minnesota Timberwolves kung bakit sila ang numero unong opensa sa liga at ginulat ang Memphis Grizzlies, 130-117.
Bilang pag-iingat, ginamit lang si Curry ng 22 minuto subalit sapat na iyon upang gumawa ng 16 puntos. Umagaw ng pansin si Jordan Poole sa kanyang 30 puntos sa 30 minuto, kasama ang three-points na nagbigay ng 102-78 lamang at walong minuto pa ang nalalabi sa 4th quarter.
Tumabla ang Minnesota at Memphis sa kanilang apat na tapatan nitong katatapos lang na regular season subalit mas marami ang pinuntos ng Timberwolves, 483-450. Walang nakapigil kay Anthony Edwards at bumuhos ng 36 puntos habang 29 puntos at 13 rebound si Karl-Anthony Towns.
Marahil ay ganado pa rin ang Minnesota matapos nilang magtagumpay sa LA Clippers noong Miyerkules sa Meta Quest Play-In Tournament, 109-104, upang makuha ang ika-7 puwesto sa West. Ang ika-walo at huling puwesto ay napunta sa New Orleans Pelicans na kinailangan talunin ng magkasunod ang San Antonio Spurs, 113-103, at Clippers, 105-101.
Kinuha ng bisitang Utah Jazz ang pagkakataon na kulang ang Dallas Mavericks at magwagi, 99-93. Matapos ang malabnaw na first half kung saan 2 puntos lang ang na-ambag, pumutok para sa 30 puntos si Donovan Mitchell upang ituloy ang sinimulan ni Bojan Bogdanovic na nagtapos na may 26 puntos.
Lumapit ang Mavs papasok sa last 2 minutes, 91-92, subalit sinagot agad ito ng tres ni Royce O’Neale at apat na free throw ni Mitchell upang makahinga ng maluwag ang Jazz. Malaking bagay ang sabay na pagliban ng mga parehong pilay na sina Luka Doncic at Tim Hardaway at titingnan pa kung papayagan sila para sa Game 2 sa Martes.




Comments