top of page
Search
  • BULGAR

COVID Pandemic, matatapos na, allowance ng health workers, wa’ pa rin

@Editorial | July 18, 2023



Patuloy ang panawagan sa Department of Health (DOH) at sa Department of Budget and Management (DBM) na ipamahagi na ang COVID-19 allowances ng healthcare workers.


Nakapanlulumo na sa kabila ng buwis-buhay nilang pagseserbisyo at matatapos na lang ang COVID pandemic ay hindi pa rin nila natatanggap ang mga benepisyo na nakasaad naman sa batas.


Batay sa pahayag ng isang mambabatas, mayroon pang pondo na P52.962 bilyon na unprogrammed na puwedeng gamitin ng gobyerno para ibayad sa mga health worker.


Kung meron naman pala, bakit hindi pa ilarga?


Isa pa sa pinangangambahan ay baka lalong walang matanggap na allowance ang mga health workers kapag binawi na ang idineklarang state of public health emergency dahil sa COVID.


Bagay na hindi dapat mangyari. Kailangang tiyakin na sakaling tapusin na ang pandemic, ibibigay pa rin sa health care workers ang kanilang allowances dahil napaglaanan na ito ng budget.


Nasaksihan naman natin kung gaano kagrabe ang pinagdaanan ng ating mga health worker sa kasagsagan ng COVID pandemic. Literal na buwis-buhay, may mga namatay, nagkasakit, naisakripisyo ang pamilya at dumanas pa ng diskriminasyon. Pero sa dulo, ganito pa ang kanilang sasapitin? Pahirapan para sa bagay na kanila namang pinagtrabahuhan, na kung tutuusin ay hindi matutumbasan ng anumang halaga.


Kaya panawagan sa mga ahensyang humahawak sa pondo para sa mga health worker, bilisan na ang pagproseso, ibigay na ang allowance na matagal na dapat nilang natanggap.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page